Nakatenggang Dalian trains sa MRT 3 tadtad ng anomalya– Sen. Tulfo

Si Senador Raffy Tulfo nang personal na bisitahin at inspeksyunin ang MRT 3 depot sa Quezon City kung saan nakita nito ang mga nakatenggang Damian trains.

Ni NOEL ABUEL

Iginiit ni Senador Raffy Tulfo na tadtad ng anomalya ang kontrata ng Department of Transportation (DOTr) sa Dalian trains nang bisitahin niya ito sa MRT3 Depot sa North Avenue, Quezon City kahapon.

“Nakatiwangwang lang at nababalot na ng alikabok ang 48 Dalian trains na gawa ng China na nagkakahalaga ng ₱3.7 billion simula noong ito ay ma-deliver noong 2017,” saad ng chairman ng Senate Committee on Public Services.

“Mayroon nang mga nakasuhan sa Ombudsman dahil dito pero nadismiss lamang ang mga kaso nila. Kaya dapat magsampa ng kakaibang criminal case kaysa sa dati nang naifile para maiwasan ang double jeopardy,” dagdag nito.

Napag-alaman din ni Tulfo na simula’t sapul ay alam na umano ng Aquino administration na hindi compatible at non-compliant ang specifications ng mga bagon ng Dalian sa ating MRT system, pero pinilit pa ring ituloy ang kontrata at tinanggap pa rin at hindi mapapakinabangan ng mga tren.

Ani Tulfo, kung sakali mang piliting gamitin at patakbuhin ng gobyerno ang mga Dalian trains, kailangang sumuka ang pamahalaan ng panibagong limpak-limpak na pera na magkakahalaga sa P2 bilyon kada taon para sa maintenance lang.

Sa halip aniyang gumastos ng napakalaking halaga para sa maintenance ng mga depektibong tren, iminungkahi ni Tulfo sa DOTr na ire-negotiate ang kontrata upang maisoli na lang ang mga tren na ito at maibalik ang halaga ng perang naibayad na.

Sinabi ng senador na magpapatawag ito ng pagdinig sa Senado sa darating na Hulyo, pagkatapos ng Senate recess, upang may managot at bawiin ang perang nagastos para sa mga walang silbing Dalian trains.

Leave a comment