Wanted na Korean national arestado sa Clark airport

NI NERIO AGUAS

Naaresto ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang South Korean national na pinaghahanap ng mga awtoridad sa kanyang bansa dahil sa kasong drug trafficking.

Kinilala ni Immigration Commissioner Norman Tansingco ang pasahero na si Choi Minjae, 33-anyos, na naharang noong Hunyo 17 bago pa makasakay sa Jeju Air flight papuntang Incheon sa Seoul, South Korea sa Clark International Airport (CIA) sa Pampanga.

Si Choi, ayon kay Tansingco, ay nasa wanted list ng BI mula noong Pebrero ngayong taon nang ilabas ang utos na ipa-deport ito dahil sa pagiging undesirable alien.

Nabatid na pinigilang makaalis ng bansa ang nasabing dayuhan matapos makita sa BI database ang pangalan nito na nasa positive hit na awtomatikong blacklisted ito.

Napag-alaman din na si Choi ay napapailalim sa isang Interpol red notice na inilabas noong Pebrero 2 na nag-ugat sa pagsasampa ng kasong narcotics laban sa kanya.

Isang warrant of arrest ang inilabas para sa pag-aresto sa kanya na inisyu ng Ulsan district court sa timog-silangang Korea kung saan ito ay kinasuhan ng paglabag sa narcotics control act ng kanyang bansa.

Inakusahan ng mga awtoridad na sa pagitan ng Abril 2022 hanggang Hunyo 2023, si Choi at kasabwat ay nagbenta sa Internet ng mahigit US$3.27 milyong halaga ng mga droga, kabilang ang synthetic na marijuana at LSD, na ang mga benta ay natransaksyon nang 539 beses sa pamamagitan ng messaging app na Telegram.

Kasalukuyang nakakulong sa BI jail facility sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City si Choi habang inihahanda ang resolusyon para sa pagpapatapon dito palabas ng bansa.

“He is perpetually barred from re-entering the country as a consequence of his inclusion in our immigration blacklist,” sabi ni Tansingco.

Leave a comment