Alice Guo, Cunanan at 12 pa kinasuhan sa DOJ

Ni JOY MADELEINE

Sinampahan na ng kasong qualified trafficking in persons ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) sa Department of Justice (DOJ) si suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo at 13 indibidwal at dating opisyal ng gobyerno na si Dennis Cunanan.

Si Guo o Guo Hua Ping sa reklamo, at dating Technology and Livelihood Resource Center (TLRC) deputy director general Dennis Cunanan, at 12 iba pang opisyal at incorporators ay ipinagharap ng kasong paglabag sa Sections 4 at 6 ng Republic Act (RA) 9208 o ang Anti-Trafficking in Persons Act of 2003 as amended by RA 10364, as further amended by RA 11862.

Kasama rin sa kinasuhan ang sinasabing business partner ni Guo na si Huang Zhiyang, na wanted sa China at Zhang Ruijin at Baoying Li, na sangkot sa pinakamalaking money laundering sa Singapore.

Ang mga reklamong ito ay may kinalaman sa umano’y pagkakasangkot nito sa ilegal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa Bamban, Tarlac at Porac, Pampanga.

Personal na nagtungo sa DOJ si PAOCC director Gilbert Cruz kasama si PNP spokesperson Col. Jean Fajardo at dala-dala ang kahun-kahong mga dokumento laban sa alkalde at sa iba pang indibiduwal.

Nabatid na ang hakbang ng PAOCC at ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ay matapos makitan ng sapat na batayan at ebidensya na sangkot si Guo sa mga ilegal na operasyon ng POGO sa kanyang nasasakupang lugar.

Una nang itinanggi ng alkalde ang mga paratang na ibinabato sa kanya at iginiit na isa siyang tunay na Pilipino sa kabilang ng kawalang nito ng matibay na ebidensya na magpapatunay sa kanyang claim.

“Lumabas na mga ebidensya dito tulad ng fact na siya ang nag-apply doon sa dating [letter of no objection] from the local government. Lumabas din ang kanyang involvement doon sa lesser company,” sabi ni Inter-Agency Council Against Trafficking chairperson at Justice Undersecretary Nicky Ty.

“At kasama rin ‘yung ibang ebidensya diyan katulad nu’ng pangalan niya na lumulutang sa mga sabi-sabing document na nahanap sa POGO compound,” dagdag nito.

Leave a comment