
Ni NOEL ABUEL
Nanawagan si Senador Alan Peter Cayetano na magkaisa ang bansa at solusyonan ang isyu sa diplomatikong pamamaraan sa patuloy na tumitinding tensyon sa West Philippine Sea.
“No one wins sa present situation. China doesn’t win. The Philippines doesn’t win,” saad nito.
Binigyan-diin ni Cayetano, na dating nagsilbing kalihim ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa ilalim ng administrasyong Duterte, ang kahalagahan ng pag-iwas sa usaping pulitika sa gitna ng hidwaan sa China at pagtuunan ng pansin ang pagkakaisa upang makamit ang kapayapaan
“Ang usapan sa West Philippine Sea dapat walang pulitika, dapat united tayo,” aniya.
Sa pinakahuling insidente, isang sundalo ng Philippine Navy ang naputulan ng hinlalaki nang banggain ng Chinese Coast Guard ang mga bangka ng Pilipinas.
Iniulat din ang presensya ng tear gas at paggamit ng mga siren malapit sa BRP Sierra Madre, isang lumang barkong pandigma na nagsisilbing military outpost ng Pilipinas sa lugar.
Sinang-ayunan ni Cayetano ang pahayag ni Senate Majority Leader Francis Tolentino na dapat magpulong ang National Security Council (NSC) upang makabuo ng mga posibleng tugon sa mga agresibong aksyon ng China.
Umaasa rin si Cayetano na hindi na lalaki pa ang hidwaan gaya ng nangyari sa United States at Cuba noong 1960s.
“I do know that we are entering the point na brinkmanship na. It could get much worse. I still hope that there will be high level talks between the two presidents and I hope that there will be a high level mini-NSC talk na walang politika,” dagdag nito.
