30-araw na suspension sa toll ikinatuwa ni Sen. Revilla

Ni NOEL ABUEL

Ikinatuwa ni Senador Ramon Bong Revilla, Jr. ang inisyatiba ng Philippine Reclamation Authority (PRA) na suspendehin ang koleksyon ng toll sa ilang bahagi ng Manila-Cavite Toll Expressway (CAVITEX) upang makatulong na maibsan ang publiko mula sa pagtuloy na pagtaas ng halaga ng gasolina.

Ang nasabing 30-araw na pagsuspende sa toll ay inihayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa CAVITEX event para sa groundbreaking ceremony ng CAVITEX-CALAX Link, groundbreaking ceremony ng CAVITEX C5 Link Segment 3B, at ang inagurasyon ng CAVITEX C5 Link Sucat Interchange (Segment 2), na ginanap nang mas maaga sa araw na iyon.

“Sobra kong ikinatutuwa ang inisyatibo ng PRA na suspendehin ang pagsingil ng toll sa ilang parte ng CAVITEX. This will surely provide ease to the public especially that cost of goods and prices are rising,” ani Revilla.

“Malaking pasasalamat din sa ating Pangulong Bongbong Marcos dahil batid niya ang kalagayan at danas ng ating mga kababayan, lalo na ang ordinaryong tao na makakatipid dahil sa 30-day toll suspension na ito,” dagdag pa nito.

Ipatutupad ng PRA, bilang operator ng CAVITEX, ang nasabing toll holiday sa Taguig, Parañaque, Las Piñas, at Kawit.

Bagama’t walang binanggit na target na petsa para sa pagsisimula ng suspensiyon, ang Toll Regulatory Board (TRB) ay inatasan para sa mabilis na pagpapatupad nito.

Samantala, pinuri rin ni Revilla ang patuloy na pag-unlad ng imprastraktura sa buong bansa, lalo na sa Cavite at Southern Luzon.

“We are really entering a golden age of infrastructure development! Dito pa lang sa Cavite, ramdam na ramdam na ang mga makakabuluhang proyekto ng pamahalaan na paniguradong maghahatid ng malaking benepisyo sa ating mga kababayan,” sabi ni Revilla, chairperson ng Senate Committee on Public Works said.

“Caviteños are eagerly excited and anticipating the completion of these expressway links, as well as the completion of LRT Line 1 Extension that would provide fast and efficient travel for the transporting public,” aniya pa.

Umapela rin si Revilla ng pasensya at pang-unawa ng publiko habang isinasagawa ang mga proyektong ito.

“Ngayon pa lang ay hihingin na natin ang pangunawa ng publiko sa posibleng dulot ng construction ng mga daan na ito. Rest assured that we will remind the DPWH and the contractors to be efficient and timely in delivering results. Excited na po ako sa mga development na ito kaya sama-sama po tayong sumuporta dito!,” pahayag pa ni Revilla.

Leave a comment