Buong bansa magiging maulan

NI RHENZ SALONGA

Patuloy na makakaapekto sa bahagi ng Southern Luzon, sa Visayas at Mindanao ang hanging habagat na magdadala ng mga pag-ulan.

Sa weather advisory ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), ang Bicol Region, Eastern Visayas, Caraga, Quezon at Palawan ay magkakaroon ng maulap na papawirin na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkulog-pagkidlat.

Posibleng makaranas ng biglaang pagbaha o pagguho ng lupa sa nasabing mga lugar dahil sa malalakas na ulan dulot ng habagat.

Samantala, ang Metro Manila at nalalabing bahagi ng Visayas at Mindanao kasama ang Cavite-Laguna-Batangas-Rizal-Quezon o CALABARZON at Mindoro-Marinduque-Romblon-Palawan o MIMAROPA ay asahan na magiging maulap na may kasamang pag-ulan o pagkulog-pagkidlat dahil sa epekto ng habagat.

Ang lalabing bahagi ng Luzon ay magiging maulan din na may kasamang pagkulog at pagkidlat dahil sa epekto ng localized thunderstorms na maaaring magdulot ng flash flood o landslides.

Leave a comment