House leaders tinitiyak sa mga magsasaka ang matatag na suporta sa pamamagitan ng mga subsidy

Si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez habang sinasagot ang tanong ng mga mamahayag hinggil sa estado ng presyo ng bigas sa bansa at suporta sa mga magsasaka.

Ni NOEL ABUEL

Tiniyak ng Kamara de Representantes, sa pangunguna ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa mga magsasakang Pilipino na makakatanggap ng malaking suporta sa pamamagitan ng mga subsidiya ng gobyerno, at pagpawi sa kanilang pagkabahala sa pagbaba ng taripa sa mga imported rice.

Sinabi ni Romualdez na ang gobyerno, sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ay nakatuon sa pagprotekta at pagbibigay kapangyarihan sa mga lokal na magsasaka, na gumaganap ng mahalagang papel sa pagkamit ng layunin ng bansa na rice self-sufficiency.

“Napakaimportante for farmers to get all the support and the subsidies that we could provide para makahabol din tayo na maging rice self-sufficient,” sabi ni Romualdez sa pulong balitaan sa Manila Golf and Country Club sa Makati City.

Tiniyak pa ng pinuno ng lider ng Kamara sa mga magsasaka na buong suporta ng Kongreso, ng gobyerno at ng mamamayang Pilipino.

“We are relying on them, and we assure them that Congress, government, the people are behind them,” nagkakaisang pahayag ni Romualdez at ni House Committee on Agriculture chair at Quezon Rep. Mark Enverga at Committee on Appropriations chair at Ako Bicol party list Rep. Elizaldy Co.

Tinitiyak ng mga ito na ang pagbaba ng taripa sa ilalim ng Executive Order (EO) No. 62, na nagpapababa sa singil sa imported na bigas mula 35 porsiyento hanggang 15 porsiyento, ay hindi makasasama sa kapakanan ng mga lokal na magsasaka.

Nagbigay ang mga ito ng komprehensibong update sa mga hakbang upang palakasin ang sektor ng agrikultura sa pamamagitan ng Rice Competitiveness Enhancement Program (RCEP) sa ilalim ng Rice Tariffication Law.

Ang kasalukuyang RCEF, na kilala rin bilang Rice Fund, ay naglalaan ng P10 bilyon taun-taon mula sa tariff collection sa pag-import ng bigas upang tustusan ang mekanisasyon ng sakahan, pagbibigay ng mas magandang binhi, at pagsasanay sa mga bagong teknolohiya sa pagsasaka.

Lumalabas sa datos ng Bureau of Customs (BOC) na umabot na sa P22 bilyon ang koleksyon ng taripa sa pag-angkat ng bigas sa unang limang buwan ng 2024, higit pa sa sapat para masakop ang panukalang mas mataas na alokasyon para sa Rice Fund.

“Currently, there are P22 billion as stated by the [BOC]. At paalala po, June pa lang po ngayon, may taripa pa rin po, so may 15 percent tariff. Ibig sabihin, tataas pa rin ang collection for this year, so hindi po mapapabayaan ang ating mga farmers,” pahayag ni Enverga.

Sabi naman ni Co na ang makabuluhang suporta sa pananalapi at mga proyektong pang-imprastraktura para sa mga magsasaka ay sigurado para sa darating na taon.

“In fact, sa farmers na P10 billion tumaas pa po ng P22 billion as early as now. So wala pong kailangan na ikabahala ang ating mga farmers,” sabi ni Co.

Leave a comment