Taal volcano nagparamdam — Phivolcs

Ni MJ SULLIVAN

Muling nagparamdam ang Taal volcano na senyales na may nangyayaring aktibidad sa bunganga ng bulkan, ayon sa monitoring ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).

Ayon sa Phivolcs, nakapagtala ng phreatic eruption sa pagitan ng alas-9:30 at alas-9:32 kagabi na tumagal ng dalawang minuto.

May volcanic tremor din na naitala na tumagal ng 36 na minuto kung saan natukoy ang acidity sa main crater lake na nasa 0.20 at may temperatura na nasa 72.7 degree Celsius.

Nakapagtala rin ng 4,641 tonelada ng sulfur dioxide flux at pagsingaw na nasa 2,100 metro ang taas at napadpad sa timog-kanluran at timog-silangang bahagi ng bulkan.

May ground deformation din sa kalakhang Taal Caldera na may panandaliang pamamaga sa gawing hilaga at timog silangang bahagi ng Taal Volcano Island.

Nakataas pa rin sa Alert level 1 sa Taal at pinagbabawal ang pagpasok sa Taal Volcano Island partikular sa main crater at Daang Kastila fissures at pamamalagi sa lawa ng Taal.

Leave a comment