
Ni NOEL ABUEL
Mariing itinanggi ni Senador Manuel “Lito” Lapid ang akusasyong sangkot ito sa operasyon ng Lucky South 99 Outsourcing sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa Porac, Pampanga.
Sa pagdinig ng ng Senate Committee on Women, Children Family Relations and Gender Equality, nanindigan si Lapid na walang katotohanan at mali ang naglabasang balita na may pagkakasangkot ito sa POGO sa nasabing lalawigan.
Aniya, kung may ebidensyang magpapatunay na may kinalaman ito sa POGO sa Porac, Pampanga ay handa itong magbitiw bilang senador.
Tugon ito ng senador sa alegasyon ng hindi pinangalanang vlogger na pag-aari nito ang 10 ektarya ng lupain na kinatatayuan ng POGO hub sa Porac kung saan nakatayo ang 42 gusali.
“I will resign as a senator if it is proven that I am involved in that POGO. I will not allow that my name be tarnished here. I’ve been a vice governor of Pampanga for three years, I have been a senator for three terms…I won’t allow my name to be ruined here,” pahayag ni Lapid sa pagdinig.
Kasabay nito, itinanggi rin ni Lapid na protektor ng POGO sa Pampanga si dating House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo.
Dinagdag pa ni Lapid, dahil sa naglalabasang masamang balita hinggil sa illegal POGO sa Pampanga ay may mga investors ang nagdadalawang-isip na magnegosyo sa probinsya.
“That’s what we are worried about. Investors in Porac are already starting…but these problem on POGO is hounding us. Our reputation to investors have turned negative,” aniya pa.
Apela pa ng senador kay Porac Mayor Jaime Capil na kumilos para linisin ang Porac mula sa idinulot na dumi ng POGO hub sa probinsya.
Sa pagdinig, ginisa ni Senador Sherwin Gatchalian si Capil dahil sa kabiguan nitong bantayan ang itinayong mga gusali ng POGO sa nasasakupan nito kahit panahon ng COVID-19 pandemic ay nagtulut-tuloy ang konstruksyon.
