Sen. Dela Rosa sa drug war: May nalabag na kaparatang pantao

Senador Ronald “Bato” dela Rosa

Ni NOEL ABUEL

Aminado si Senador Ronald ‘Bato” Dela Rosa na hindi naiwasan na may malabag na karapatang pantao sa drug on war campaign noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa Kapihan sa Senado, sinabi ni Dela Rosa, na dating pinuno ng Philippine National Police (PNP) ng Duterte administration, na may ilang operasyon ng mga pulis sa ilang pinaghihinalaang sangkot sa illegal na droga ang nalabag ang karapatang pantao.

“Hindi ko sinabi na walang nangyaring human rights violation during war on drugs. Aminado tayo diyan na merong mga kaso na talagang na-violate ‘yung right ng tao,” ayon sa senador.

Ngunit nanindigan si Dela Rosa na bagama’t may ilang kaso na nilabag ang karapatang pantao ang mga pulis ay ilan sa mga ito ang naparusahan at nakulong.

“Kasi kung wala, eh ‘di dapat hindi na kakasuhan ‘yung mga pulis na gumawa ng kalokohan. Kasi kung wala, eh ‘di dapat walang pulis na na-convict o nakulong. So meron talaga, kaya dapat imbestigahan individually bawat kaso,” aniya pa.

Tugon na rin ito ni Dela Rosa sa imbitasyon ng House Committee on Human Rights para humarap sa pagdinig hinggil sa extra-judicial killings na may kaugnay na war on drugs.

Aniya, walang dahilan itong dumalo sa pagdinig ng nasabing komite dahil naniniwala ito na pulitika lamang ang nasa likod nito lalo na at maging si FPRRD ay nais na ipatawag ng Kamara.

Iginiit ni Dela Rosa na bagama’t may mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao sa mga isinagawang anti-drug drive ng mga pulis ay malinis naman ang kamay ni Duterte dahil sa wala itong inilabas na kautusan na lumabag sa batas ang mga drug operatives.

“Walang gagong leader na mag-uutos na gumawa kayo ng violation sa batas. Walang gagong leader na mag-uutos ng ganon. At saka walang gagong pulis, unless of course may sariling motive ‘yung pulis na nasa isip niya – personal niya ‘yun,” giit ni Dela Rosa.

Leave a comment