Speaker Romualdez pinuri sa pagsusulong na maitaas sa P4,000 ang PhilHealth dialysis coverage

Ni NOEL ABUEL

Umani ng pasasalamat ang maraming pasyente kay Speaker Ferdinand Martin Romualdez, alinsunod sa pro-poor policy ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa pagpupursige nito na maitaas ang dialysis coverage ng PhilHeath sa P4,000 kada sesyon mula P2,600 na malaking tulong sa mga pasyenteng may chronic kidney disease.

Nabatid na noong nakaraang linggo, nagpasalamat si Romualdez kina PhilHealth president at chief executive officer Emmanuel Ledesma Jr. at Health Secretary Teodoro Herbosa sa pag-apruba sa hiling nito na itaas ang dialysis benefits matapos ang pakikipagpulong sa kanila ni House Deputy Majority Leader at ACT-CIS party list Rep. Erwin Tulfo.

Ayon sa hemodialysis patient na si Gerwin Acepcion Castor, malaking tulong sa kanya at kanyang pamilya ang mas mataas na dialysis benefit coverage ng PhilHealth.

“Okay po sa akin ‘yung increase na maging P4,000 kasi malaking tulong sa ibang bayarin pa dito. Sana ‘dun napupunta sa ibang bayarin namin,” sabi ni Castor.

Ganito rin ang ang pananaw ng 17-taong gulang na si Jamaica Mutia Del Rosario na nagsabing hindi lahat ng pasyente ay mayroong malaking kakayanang pinansyal.

“Mas okay po na taasan nila ang benepisyo, from 2,600 to 4,000 para kahit papano makatipid kami sa iba pong gastusin lalo napo sa pagda-dialysis po,” sabi ni Del Rosario.

Nauna rito, sinabi ni Romualdez na ang pagtataas ng PhilHealth dialysis benefits ay makatutulong ng malaki sa mahigit 1 milyong Pilipino na kinakailangang magpa-dialysis.

“With the increased assistance, they will no longer have to augment the amount they spend for this procedure, even in private health facilities,” sabi pa nito.

Ang pagtataas sa benepisyo ay makatutulong sa layunin ni Pangulong Marcos at ng Universal Health Care Law na tulungang makapagpagamot ng libre ang mga mahihirap na Pilipino.

Umaasa si Romualdez na aaprubahan din ng PhilHealth ang pagbibigay ng libreng laboratory test at mammogram sa mga miyembro nito.

Leave a comment