14K TUPAD beneficiaries tutulong sa paglaban sa climate change

Sina DOLE Sec. Bienvenido Laguesma at DSWD Sec. Rex Gatchalian ang kahalagahan ng whole-of-nation approach sa pagkakaloob ng tulong sa komunidad laban sa climate change.

Ni NERIO AGUAS

Aabot sa 14,000 disadvantaged workers nationwide ang mabibigyan ng temporary employment sa ilalim ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged Workers (TUPAD) program upang magsagawa ng mga proyekto sa komunidad na tumatalakay sa kawalan ng tubig at pagkain sa gitna ng pagbabago ng klima.

Ito ay kasunod ng pag-uugnay ng TUPAD program ng Department of Labor and Employment (DOLE) at Project LAWA at BINHI (Local Adaptation to Water Access and Breaking Insufficiency through Nutritious Harvest for the Impoverished Project) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang magkasamang maibsan ang epekto ng climate change sa mga mahihirap na komunidad.

Ang nasabing Memorandum of Understanding ay pormal na nilagdaan nina DOLE Secretary Bienvenido E. Laguesma at DSWD Secretary Rexlon T. Gatchalian noong Mayo 31, 2024, sa DSWD Central Office sa Quezon City.

Ayon kay Secretary Laguesma, naglaan ang kagawaran ng paunang P144 milyon para sa pansamantalang pagtatrabaho ng mga target beneficiaries, kabilang ang mga magsasaka, mangingisda, katutubo, at iba pang climate-and disaster-vulnerable families.

Sinabi pa ng kalihim na ang bilang ng mga benepisyaryo at halagang tulong ay madaragdagan sa sandaling palawigin ito sa buong bansa.

“Ang inisyatibong ito ng DSWD at DOLE ay sumusuporta sa Philippine Development Plan 2023-2028 at sa Labor and Employment Plan 2023-2028 na naglalayong magbigay ng higit na proteksyon sa mga manggagawa, lalo na sa panahon ng kalamidad. Ito rin ay tumutugon sa panawagan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na ipatupad and whole-of-government at whole-of-nation approach sa pagtugon sa adverse effects ng climate change at iba pang kaganapan sa dagidig ng paggawa,” sabi ni Laguesma.

Ang mga benepisyaryo ay lalahok sa mga proyekto ng komunidad, tulad ng pagtatayo o rehabilitasyon ng harvesting facilities; pagkukumpuni ng multi-purpose water infrastructures; diversification of water supplies; community-based vegetable gardening; diversified integrated farming; planting disaster resilient crops, fruit-bearing trees, at mangroves; aquaponics and hydroponics; aquaculture; at vermicomposting.

Leave a comment