
Ni NERIO AGUAS
Arestado ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) apat na Indian nationals at isang Malaysian national na pawang natuklasang mga illegal aliens.
Ayon kay BI intelligence division chief Fortunato Manahan Jr. naaresto ang mga nasabing mga dayuhan sa tulong ngga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) sa Tawi-Tawi para mahuli ang 4 Indians sakay ng isang bangka.
Kinilala ang mga Indian nationals na sina Lakhwinder Singh Brar, 30-anyos; Parwinder Singh, 21-anyos; Sukhraj Singh Dubb, 32-anyos; at Jagjit Chohan, 36-anyos.
Pagdating ng nasabing sasakyang pandagat sa Bongao, kinilala ng PCG ang isa pang foreign national, isang Malaysian na nagngangalang Bryan Joel Ng, 25-anyos na umano’y naglalakbay kasama ang isang Pinay na kasintahan nito.
Sa inisyal na imbestigasyon ng PCG, lahat ng 4 na lalaking Indian ay napag-alamang walang immigration stamps, habang si Ng ay hindi naipakita ang kanyang pasaporte.
Agad na iniulat ng PCG ang kaso sa mga ahente ng BI regional intelligence operating unit IX, na tumungo sa lugar upang ipatupad ang pag-aresto sa bisa ng mission order na nilagdaan ni Commissioner Norman Tansingco, sa pakikipag-ugnayan sa Philippine National Police (PNP) Regional Intelligence Unit 9, PNP Zamboanga City Police Office, at ang PNP Intelligence Group.
Napag-alaman na ang 4 na Indians ay naka-blacklist mula sa Pilipinas, at nagtatangkang pumasok ng ilegal upang iwasan ang mga inspeksyon ng BI.
Samantala, hinihinalang sangkot si Ng sa human trafficking.
Ang limang naarestong dayuhan ay kinasuhan ng paglabag sa Section 37(a)(1) ng Philippine Immigration Act of 1940.
“Our close coordination with government agencies who monitor the country’s vast shorelines is necessary in protecting the Philippines against illegal entrants. The partnership between the PCG and the BI is crucial in stopping the attempts of these illegal aliens,” sabi ni Tansingco.
