
Ni NOEL ABUEL
Kinastigo ni Senate President Francis “Chiz” G. Escudero ang naging desisyon ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) na aprubahan ang P35 daily minimum wage increase para sa mga manggagawa sa National Capital Region (NCR).
Ikinatwiran ni Escudero na malaki ang pagkukulang ng paltry increase para matugunan ang tunay na pangangailangan ng mga manggagawa, lalo na sa gitna ng tumataas na presyo ng mga mahahalagang bilihin.
“Maliwanag na kulang at malayo na matugunan ang tunay na mga pangangailangan ng ating mga kababayan sa gitna ng mataas na presyo ng bilihin,” sabi ni Escudero.
Kinuwestiyon ng Senate chief ang naging basehan ng desisyon ng RTWPB at hindi naaayon sa tunay na cost of living sa Metro Manila.
“Bakit nga ba palaging kulang ang binibigay na umento ng RTWPB? Ni minsan ay hindi pa sila tumama mula nang nilikha ang ahensyang ‘yan. Saan ba sila bumibili ng bigas? Nag-grocery? Nagpalengke? Pa-share naman kamo kasi baka sobrang mura du’n at kasya ang dagdag na P35 sa sahod na binigay nila,” giit ni Escudero.
“Patuloy na ipaglalaban at tatayuan ng Senado ang prinsipyo at paniniwala na: ‘ang konting bawas sa kita ng negosyante (na di naman nila ikalulugi) ay malaking pakinabang at tulong sa ating mga manggagawa,'” ani Escudero.
Sa panig naman ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada, sinabi nitong dahil sa tumataas na inflation rate na nakakaapekto sa mahihirap na kabahayan, hindi lamang napapanahon kundi mahalaga ang P35 na pagtaas sa daily minimum wage ng mga manggagawa sa NCR.
“Mas mahirap sa mga naghihikahos nating kababayan na tustusan ang pang-araw-araw na gastusin ng kanilang pamilya ang patuloy na pagtaas na presyo ng mga pangunahing bilihin kaya makakatulong ang dagdag sa sahod lalo na sa mga minimum wage earners. Pero sana tumaas pa ang arawang sahod nila dahil kakarampot kung tutuusin ang dagdag na P35,” ayon kay Estrada.
