

Ni NOEL ABUEL
Pinapurihan nina Manila 2nd District Rep. Rolando “Rolan” Valeriano, at 3rd District Rep. Joel R. Chua ang National Capital Region (NCR) Wage Board sa pagpapalabas ng bagong minimum wage increase para sa National Capital Region (NCR) sa halagang P35.00.
“Sa aking palagay ay dapat higit sa P35 ang dapat na minimum wage increase. Ito ay dahilan sa ang P35 ay nasa 5.7% lamang ng dating minimum wage na P610, samantalang ang inflation sa kabuuan ng taong 2023 ay nasa 6%,” ayon kay Chua.
“Subalit tayo pa rin ay malaking pasalamat sa ating NCR Wage Board, na pinamumunuan ng ating Department of Labor and Employment (DOLE) NCR Regional Director Sara Buena Mirasol, dahilan sa ito ay napapanahon. Ramdam ng bawat manggagawa sa Metro Manila ang kakapusan dahilan nga sa paghina ng purchasing power ng piso,” sabi naman ni Valeriano, ang chairperson ng House Committee on Metro Manila Development.
Kumilos ang Regional Tripartite Wages and Productivity Board o ang Wage Board para sa NCR base sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. “Bong Bong” Marcos, Jr. na inilabas noong Mayo 1, 2024, sa panahon ng Pagdiriwang ng Araw ng Paggawa sa Malacañang, upang agad na magpulong at pag-aralan ang posibilidad ng pagbibigay ng bagong yugto ng pagtaas ng minimum na sahod.
Kasunod nito ay agad na kumilos ang NCR Wage Board at nagsagawa ng 3 konsultasyon o pampublikong pagdinig sa mga sektor ng paggawa at management sectors.
“Wala pang isang taon ang lumipas simula noong July 16, 2023 nang taasan ang minimum wage mula P570 at ito ay naging P610. Unusual ito. Kinakailangan ang tinatawag na supervening event kung magbibigay ng panibagong increase ng hindi lalagpas ang isang taon,” aniya.
“Napakalaking bagay na ang ating Pangulo, kasama si DOLE Secretary Bienvenido Laguesma, ay nakita na hindi na kailangang maghintay, Nahihirapan na ang ating mga manggagagawa at kanilang mga pamilya. At, nakakatuwa rin ang agarang pagtugon ng ating Wage Board. Nawa’y ang Wage Boards ng ibang mga rehiyon ay agaran din umaksyon at sundan ang ating NCR Wage Board,” ani Chua.
