Sen. Binay nag-walk out sa pagdinig ni Sen. Cayateno sa bagong Senate building

Sina Senador Nancy Binay at Senador Alan Peter Cayetano habang nagtatalo sa pagdinig ng Committee on Accounts na dumidinig sa pondo ng bagong Senate building sa Taguig.

Ni NOEL ABUEL

Napilitang mag-walk out si Senador Nancy Binay sa pagdinig ng Senate committee on accounts na tumatalakay sa kinukuwestiyong pondo sa New Senate Building matapos ang mainitang pakikipagtalo kay Senador Alan Cayetano.

Nagpalitan ng maaanghang na salita sina Binay at Cayetano sa pagdinig ng Committee on Accounts hinggil sa kontrobersyal na bagong Senate building sa Taguig City.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Accounts na nagsisiyasat sa New Senate Building project na isinasagawa ng Department of Public Works and Highways (DPWH), naging mainit ang usapan sa pagitan nina Binay at Cayetano.

Itinakda ni Cayetano ang pagdinig matapos iutos ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na pag-aralan ang halaga ng bagong Senate building na sa kasalukuyan ay umabot na umano sa P23B ang nagastos ng DPWH.

Ngunit nanindigan si Binay, dating chairperson ng panel, na ang halaga ng konstruksyon ay hindi pa umabot sa P23B tulad ng sinasabi nina Escudero at Cayetano at tanging P21 bilyon lamang.

Inusisa ni Binay sa DPWH kung saan nanggaling ang P23B na budgetary cost estimate ng Senate building na tinugon naman ni Cayetano na galing sa mismong opisina ng una.

Ngunit nanindigan si Binay na walang katotohanan na P23B ang inilaang pondo kung hindi P21.7B lamang na kinatigan naman ni DPWH Senior Usec. Emil Sadain.

“Do your math. P21B is not P23B Mr. Chairman, pareho ba ang P21B at P23B?” giit ni Binay.

Giit naman ni Cayetano na ginugulo umano ni Binay ang pagdinig kung kaya’t dapat na tumigil ito kasabay ng akusasyong madalas itong magpa-interview sa mga mamamahayag.

Sa huli ay nag-walkout si Binay sa pagdinig dahi sa mga binitawang mga salita ni Cayetano.

Sa kabilang banda, pinagpapaliwanag ni Cayetano si Binay sa P600M pondo para sa landscaping, P875M para sa security system at P766M para sa IT system ng gusali.

Sa huli, pumagitna si Senador Robinhood Padilla sa palitan ng mainit na salita nina Cayetan at Binay na umapela na suspendehin ang pagdinig na tinugon naman ni Cayetano na hindi na kailangan dahil sa malapit na nitong isuspende ang pagdinig.

Leave a comment