

Ni NERIO AGUAS
Bumagsak sa kamay ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawang dayuhan na pawang wanted sa kanilang mga bansa.
Kinilala ni Immigration Commissioner Norman Tansingco ang mga dayuhan na kinabibilangan ng isang Chinese national na si Deng Hongfu, 32-anyos at isang Amerikano na si Mark Andrew Baldwin, 50-anyos, na naaresto sa magkahiwalay na operasyon na isinagawa ng fugitive search unit ng BI sa lungsod ng Parañaque at Las Piñas.
Sinabi ni Tansingco na nagpalabas ito ng mission order para sa pag-aresto sa dalawang dayuhan sa kahilingan ng mga gobyerno ng China at US na humingi ng tulong sa BI upang sila ay ma-deport at malitis dahil sa kanilang mga krimen.
Nabatid na si Deng ay naaresto sa C. Santos Street, Bgy. Tambo, Parañaque City at sinasabing wanted sa China dahil sa economic crimes.
Isang warrant ang inilabas ng public security bureau sa Chibi City, China kung saan si Deng ay kinasuhan dahil sa pagpapatakbo ng isang iligal na negosyo sa pamamagitan ng pagbebenta ng mga bahagi ng stock na may tamang permit mula noong 2018.
Kasama rin ito sa wanted list ng BI na naglabas ng watchlist at blacklist order noong unang bahagi ng taon dahil sa pagiging undesirable alien.
Samantala, nadakip naman si Baldwin sa tahanan nito sa Angela Village, Bgy. Talon Kuatro, Las Piñas City.
Sinabi ng embahada ng US na si Baldwin ay inisyuhan ng warrant of arrest ng superior court sa Cherokee county, Georgia matapos kasuhan ng gun possession ng isang convicted felon.
Naging L undocumented alien ito matapos bawiin ng State Department ang pasaporte nito.
