
Ni NOEL ABUEL
Nilinaw ni Senador Nancy Binay na hindi na nito papatulan pa ang pagtawag dito ni Senador Alan Peter Cayetano na ‘buang ka day’ sa gitna ng mainit na debate sa pagdinig ng Senate Committee on Accounts na tumatalakay sa New Senate building sa Taguig City.
Ayon sa Binay, bagama’t hindi nito personal na narinig ang mga katagang “buang ka day” na binitiwan ni Cayetano, ay hindi nito papatulan pa at hindi rin mapipikon dahil naniniwala itong nasa tama itong landas na tinatahak.
“Hindi ako mapipikon dahil alam ko naman na nasa side ako ng katotohanan,” sabi ni Binay sa isang pahayag sa radyo.
Dinagdag pa ni Binay na ikinagulat din nito nang tawagin ito sa pangalang Marites sa halip na Lourdes ni Cayetano sa hindi malamang kadahilan.
“Ako nagugulat ako kasi sa Senado he is already considered senior senator. Kasi based on the number of years, siya ‘yung mako-consider na senior ko. Mas alam dapat niya ‘yung how to conduct a hearing at ang pagiging statesman pero parang kahapon nagulat din ako na ang pangalan ko from Lourdes ginawa niyang Marites. Basta talaga nakakagulat. Ang narinig ko talaga Matet, hindi Marites,” pahayag pa ni Binay.
Aniya, nanghihinayang ito na hindi nito narinig ang pagtawag dito ni Cayetano ng “Buang ka Day” kung saan sasagutin naman umano nito ang huli ng katagang “Bongga ka dong”!.
Dinagdag pa ni Binay na tanggap na nito na hindi hihingi ng tawad si Cayetano sa naging trato nito sa gitna ng pagdinig.
“Actually, sa akin ok na ko. Tanggap ko na ganoon ang ugali niya basta apelyido mo Binay. Ang sa akin di katanggap-tanggap ang binato niyang akusasyon sa media, sa Senate media lalo na sa mga radio anchors na nag-i-interview sa akin. Parang sinasabi niya na lahat nakakatanggap sa akin. Na bayaran ang media, bayaran kayo dahil pare-pareho ang mga tanong na binabato ninyo sa akin. So he ows the media an apology for that,” paliwanag ni Binay.
Magugunitang sa pagdinig ay inakusahan ni Cayetano si Binay na madalas na nagpapa-inteview sa mga mamamahayag at sinabing nagpapakalat ng mga maling impormasyon hinggil sa tunay na halaga ng pagpapatayo ng Senate building.
Samantala, pinag-aaralan ni Binay kung maghahain ito ng reklamo sa Senate Ethics committee sa pamumuno ni Senate Majority Leader Francis Tolentino.
“Hindi ko alam. Siguro I have to talk with my staff king kailangan ba mag-file ng complaint sa Ethics . Hindi ko alam kung siya ngayon ang chairman ng Ethics,” ayon pa kay Binay.
Sinabi naman ni Tolentino na haharapin nito ang complaint na ihahain ng kampo ni Binay.
“I will deal with it [complaint] if it is referred to the ethics committee. My regret is I left the hearing early; it’s just that maraming visitors who came all the way from Baguio (Philippine Military Academy) and I had to receive them yesterday. Di sana nangyari ‘yon,” sabi nito.
