Sen. Revilla hinirang na adopted son ng Tabuk City

Photo credit JM Rosario

Ni NOEL ABUEL

Pormal nang hinirang si Senador Ramon Bong Revilla, Jr. bilang adopted son ng lungsod ng Tabuk sa Kalinga province.

Sa resolusyon na inihain at inaprubahan ng Sangguniang Panlungsod ng Tabuk, si Revilla ay ginawaran ng pagkilala bilang bagong adopted son ng lungsod na may titulong “Alindayo”.

Kinatawan si Revilla ang anak nitong si Cavite 2nd district board member Ramon Vincent Revilla ang nasabing resolusyon dahil patuloy na nagpapagaling ang senador sa ruptured Achilles Tendon nito.

Ayon sa nasabing resolusyon, ang naturang katutubong pangalan na iginawad sa batikang mambabatas ay hango umano sa pangalan ng isang pinuno ng Tobog na nanguna sa kanyang tribo para magkaroon ng payapang ugnayan sa iba pang tribo sa Kalinga.

Pinangunahan nina Tabuk City Mayor Darwin Estrañero at Vice Mayor Dick Bal-o ang pagpaparangal kay Revilla sa selebrasyon ng lungsod para sa kanilang ika-74 na anibersaryo ng pagkakatatag at ika-23 na Matagoan Festival.

“Lubos po akong nagpapasalamat sa aking mga kababayan sa Tabuk City, Kalinga sa kanilang pagtanggap sa akin bilang adopted son. Isang malaking karangalan po ito sa akin at buong buhay kong tatanawin at papahalagahan ang kanilang pagtanggap, pagmamahal, at pagkilala,” pahayag ni Revilla.

Bilang handog sa kanyang pagiging bagong anak ng Tabuk City, pinagkalooban si Revilla ng mga tradisyunal na kagamitan katulad ng G-string, vest, headgear, sibat, at kalasag.

Leave a comment