
Ni NOEL ABUEL
Kinalampag ni Senador Raffy Tulfo ang Toll Regulatory Board (TRB) para tugunan ang mga reklamo ng ilang motorista hinggil sa matagal nang problema sa palpak na RFID system na nagiging sanhi ng buhul-buhol na traffic sa mga expressway.
Ikinabahala ni Tulfo, chairman ng Senate Committee on Public Services, ang patuliy na pagdagsa ng reklamo sa palpak na RFID system.
Aniya, sa kasalukuyan ay maraming RFID tags ang hindi nababasa ng mga scanners dahil sa reader malfunction o di kaya naman ay maling pagkakalagay sa posisyon ng mga ito, dahilan para hindi agad umaangat ang mga toll barrier na nagiging sanhi ng matinding traffic.
Para maresolba ang isyu, tinawagan ni Tulfo si Atty. Alvin Carullo, Executive Director ng TRB kung saan iminungkahi nitong sa oras na mag-malfunction ang RFID reader, tatlong sasakyan pa lamang ang nasa pila ay sapilitan na dapat itaas ang barrier at libre na dapat makaraan ang mga motorista habang inaayos ito.
Hinimok din ni Tulfo ang TRB na simulan nang ipatupad ang barrier-less na sistema sa mga expressway sa bansa kung saan nangako si Carullo na isa ito sa kanilang pag-uusapan sa TRB meeting para sa agarang aksyon.
Napansin din ni Tulfo na dagdag pasakit sa mga motorista ang mga insidente kung saan hindi agad nakakapasok sa expressway dahil sa zero balance kahit na kaka-load lang ng sapat na halaga sa kanilang mga toll payment accounts.
Dahil dito, napipilitan umanong mag-reload ng RFID sa ikalawang pagkakataon at paghihintayin pa kadalasan ng dalawang araw o higit pa para ma-refund ng toll operators ang halaga na hindi nag-reflect sa kanilang accounts.
Dahil dito, inirekomenda ni Tulfo sa TRB na magpataw ng mas mataas na multa at mas istriktong parusa sa mga toll operators sa bawat paglabag at pagbibigay perhuwisyo sa mga motorista.
Nangako naman si Carullo na mareresolba nito ang mga isyu sa RFID ngayong Oktubre 2024.
Binigyan-diin ni Tulfo na napakalaki ng ibinabayad ng mga motorista para makatipid ng oras at makaiwas sa perhuwisyo ng trapik kaya dapat ayusin ng TRB ang serbisyo nito.
Una nang naghain si Tulfo ng Senate Resolution No. 1060 noong Martes, July 2, para mapaimbestigahan at mapanagot kung sino sa TRB at mga toll expressway operators ang may pagkukulang at ipatatawag sa pagdinig pagtapos ng Senate recess ngayong Hulyo.
