
Ni NERIO AGUAS
Naharang ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang dalawang dayuhan na pawang may record bilang convicted rapists.
Sa isang pahayag, kinilala ni Immigration Commissioner Norman Tansingco ang dalawang sex offenders na si Irishman Charles Henry Gabler, 52-anyos, at American national na si Mark Halligan, 29-anyos, na kapwa naharang sa NAIA Terminal 3.
Nabatid na si Gabler ay agad na pinabalik sa pinagmulan nitong bansa noong Hunyo 23 nang dumating ito sa pamamagitan ng flight ng United Airlines mula sa Guam, habang si Halligan ay pinabalik din noong Hulyo 4 nang dumating sakay ng Emirates flight mula Dubai.
Sinabi ni Tansingco na parehong inilagay sa BI blacklist ang dalawang dayuhan at patuloy na pinagbawalan na makapasok sa Pilipinas dahil sa pagiging undesirable alien.
“They were denied entry pursuant to a provision in our immigration law which prohibits the entry of foreigners convicted of crimes involving moral turpitude,” sabi ni BI chief.
Base sa rekord, si Gabler ay pangalawang pagkakataon nang pinabalik sa bansa nito dahil dati na itong na-exclude nang tangkaing pumunta sa Pilipinas noong Nobyembre 22, 2022.
Ayon din sa public records si Gabler ay nahatulan ng korte noong 2012 dahil sa panghahalay sa isang 16-anyos na batang babae.
Samantala, si Halligan, base sa US records ay nahatulan ng kasong rape noong 2020 na isinampa ng 20-anyos na biktima nito.
Binalaan ni Tansingco ang iba pang nahatulang foreign sex offenders na iwasang bumiyahe sa Pilipinas dahil agad na pababalikin sa sandaling tumuntong sa lupa ng Pilipinas.
“Our country is off-limits to all foreign sex predators and it is our duty as immigration authorities to see to it that they are prevented from entering our borders to protect our women and children,” ayon dito.
