Sen. Alan Peter Cayetano sinampahan ng kaso sa ethics committee ni Sen. Binay: Cayetano handang sagutin ang reklamo

Ni NOEL ABUEL

Pormal nang sinampahan ni Senador Nancy Binay ng ethics complaint si Senador Alan Peter Cayetano kaugnay sa diumano’y paggamit ng name-calling at hindi maayos na pag-uugali sa panahon ng paglilitis sa New Senate building.

“This is not just about me. Nanay ako. May mga anak ako at alam ko ang mga pinagdaanan ng mga bata noong tinitira niya ‘yung pamilya ko noong 2015 and parang during this time, I cannot let it pass anymore,” sabi ni Binay sa panayam ng mga mamahayag matapos ihain nito ang ethics complaint sa opisina ni Senate Majority Leader Francis Tolentino chairman ng komite.

Sa 15-pahinang reklamo ni Binay partikular na tinukoy nito na umabuso umano si Cayetano dahil sa pagiging unparliamentary manner at paggamit ng masasakit na salita, derogatory, at improper language.

Kasama rin sa reklamo ni Binay ang paglabag umano ni Cayetano sa Article 19 ng Republic Act No. 386 o Civil Code of the Philippines, paglabag sa A.M. No. 22-09-01 SC o Code of Professional Responsibility and Accountability, paglabag sa Republic Act No. 9710 o ang Magna Carta of Women, Conduct unbecoming of a public officer at conduct prejudicial to the best interest of the service

Sinabi ni Binay, sa parehong reklamo, na ipinagdarasal nito na si Cayetano ay mapanagutan at managot sa lahat ng kanyang unparliamentary conduct na lumalabag sa mga tuntunin ng Senado, ng Revised Penal Code, ng Civil Code of the Philippines, ng Code of Professional Responsibility and Accountability, ang Magna Carta of Women, Code of Conduct at Ethical Standards for Public Officials and Employees, at Civil Service regulations.

Sinabi ni Binay na umaasa ito na ang mga kaukulang parusa ang ipataw kay Cayetano upang mapanagot sa bigat ng kanyang mga pagkasalanan.

“Tao lang din naman tayo and parang ‘yung sugat na akala ko naghilom na, parang binuksan ulit dahil naaalala ko ‘yung ginawa sa pamilya ko, kung paano nila sinira ‘yung pangalan namin,” sabi ni Binay.

Samantala sa panig naman ni Cayetano sinabi nitong ipagpapatuloy nito ang pagbuo ng isang makatotohanan at independent na pagsusuri sa New Senate Building (NSB) sa kabila ng ethics complaint na isinampa laban sa kanya ni Binay.

“Eyes on the ball tayong lahat. Ang ginagawa ni Senator Nancy Binay from the start, nililito tayong lahat, eh,” wika ni Cayetano.

Bilang tagapangulo ng komite, binigyan-diin ni Cayetano na handa nitong harapin ang reklamo ngunit mananatiling nakatuon sa mas mahalagang isyu ng tumataas na gastos ng proyekto ng gusali.

“Ang issue ay ‘yung P23 billion. Ano ba ang mas importante sa tao: ang tingin niya sa akin at ano ang tingin ko sa kanya? Or kung ano talaga ang nangyayari diyan sa building?” aniya.

Pinuna rin ni Cayetano si Binay dahil sa bilis nitong pagsasampa ng ethical complaint gayong hindi ito nagsagawa ng masusing pagsusuri sa proyekto noong ito pa ang namuno sa Accounts Committee ng Senado sa loob ng dalawang taon.

Binigyan-diin nito ang kanyang tungkulin na tiyakin ang isang masusi at makatotohanang pagsusuri ng proyekto upang magawa ang “iconic at functional” na gusali sa mataas na kalidad at tamang halaga.

“Sa akin napunta itong project, eh. Kaya ire-recommend ko talaga sa 24 senators na ayusin natin ang tamang pondo. Ako, gusto kong ilabas ang tamang pondo kasi kung hindi, we will not get to the conclusion kung magkano ba talaga,” ayon dito.

Nang tanungin kung paano maaaring ayusin ang hindi pagkakaunawaan nila ni Binay upang mapanatili ang pag-usad ng proyekto, iminungkahi ni Cayetano na manatili lang sila sa isyu at pag-usapan ito nang kalmado at makatotohanan.

Leave a comment