Senador Bong Go nanindigang malinis ang konsensya vs kurapsyong bintang ni ex-Senator Antonio Trillanes IV

Ni NOEL ABUEL

Tanging ang taumbayan ang huhusga kung sino ang nagtatrabaho para sa bayan at nagmamalasakit para sa kapwa Pilipino.

Ito ang naging pahayag ni Senador Bong Go sa panayam sa kanya tungkol sa mga akusasyon laban sa kanya.

Nanindigan si Go na kapakanan ng mga Pilipino ang inuuna nila ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at kailanman ay walang lugar para sa kanila ang kurapsyon.

“Para sa isang simpleng probinsiyanong katulad namin ni dating Pangulong Duterte, iniingatan namin ang aming pangalan. Malinis ang aming konsensya dahil mula noon hanggang ngayon, mayroon kaming delicadeza,” ani Go.

Giit pa ni Go, kailanman ay hindi ito nakialam o nag-impluwensya sa anumang transaksyon ng gobyerno.

Tiniyak naman ng senador na hindi maaapektuhan ang kanyang patuloy na paghahatid ng tunay at may malasakit na serbisyo.

Tugon ito ni Go sa inihaing kaso ni dating Senador Antonio Trillanes IV sa Department of Justice (DOJ) na nagsasangkot kay Go na may kinalaman ito sa paggawad ng mga kontrata ng gobyerno.

Iginiit ni Go na politically motivated ang mga maling akusasyon ng dating senador.

Alam umano nito na panahon na ng eleksyon ngayon at nagiging tradisyon na pipinturahan ito at ni Duterte ng itim para sila ang pumuti.

Giit ni Go taong 2018 pa ang akusasyon at ni-recycle pa noong 2021 at ngayon na papasok na naman ang campaign period para sa 2025 na halalan, nag-iingay na naman si Trillanes upang mapag-usapan na naman ng publiko gamit ang rehashed issue na walang basehan kundi haka-haka lang.

“Unang-una, alam naman natin na panahon na po ng eleksyon ngayon, uso ‘yan eh… nagiging tradisyon na ‘yan sa iba na pipinturahan nila kami ng itim para sila ang pumuti… Ako naman dito ay malinis po ang aking konsensya,” sa ambush interview kay Go.

“For the record, wala pa ako sa mundong ito ay meron nang negosyo ang pamilya ko. Ang sinisigurado ko, hindi ako nakinabang at hindi nakinabang ang pamilya ko sa pagiging taong gobyerno ko. Kahit ipagtanong pa ninyo, ni hindi makalapit ang mga kamag-anak ko sa akin—kahit ang sarili kong tatay at half-brother—para ilakad ang anumang proyekto o kontrata sa gobyerno,” dagdag pa ni Go.

Samantala, binigyan-diin ni Go ang kanyang karapatang magsagawa ng mga legal na aksyon para ipagtanggol ang kanyang karangalan, pangalan, at reputasyon.

“May korte naman po, sasagutin natin ito sa tamang forum. May korte naman po kung saan dapat nating sagutin. Malalaman naman po ng taumbayan kung sino po nagsasabi ng totoo. Pilipino ang huhusga kung sino ang nagtatrabaho at nagmamalasakit sa kapwa Pilipino,” ayon sa senador.

“Mabuti nang silipin sa mga akusasyong ito, may irregularity ba talaga? May naging transaksyon ba na disadvantageous sa government? May nanakaw ba? At may linkages ba sa akin na nagsasabing nakinabang ako sa anumang transaksyong ito? COA can find out. And, if there is, it is for COA to file the necessary charges,” giit nito.

Leave a comment