
Ni NOEL ABUEL
Iginiit ni Senate President Chiz Escudero na wala sa kamay ni suspended Bamban, Tarlac Mayo Alice Guo kung dadalo o hindi ito sa nakatakdang pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality sa Hulyo 10 hinggil sa illegal Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).
Ayon kay Escudero, sa oras na nag-isyu ng subpoena si Senador Risa Hontiveros, chairman ng komite, ay obligado si Guo na dumalo ito sa pagdinig sa ayaw o gusto nito.
“Kapag nag-isyu ng subpoena ’yan ay under compulsion of law, ibig sabihin wala sa kapasyahan niya kung siya ay mag-a-attend o hindi. Kapag nag-isyu ng subpoena ang husgado man o Senado o Kongreso obligado ang testigo na sundin at sundan ito,” sabi ni lider ng Senado.
Tugon ito ni Escudero sa pahayag ng kampo ni Guo na labis na na-trauma ito at nakakaranas ng mental health problems dahil sa mga nauna nang pagdinig ng nasabing komite sa POGO at sa pagkatao ng alkalde.
“Di ako kumakatig na desisyon nila at call nila ‘yan di nila desisyon at call nila ‘yan kung nag-isyu na ng subpoena, at kung di dadalo nasa kamay ni Sen. Risa kung mag-isyu ng warrant or arrest para sila ay puwersahang padaluhin at pipirmahan ko ang warrant na ‘yun,” sabi ni Escudero.
Kung igigiit umano ng abogado ni Guo ang sinasabing trauma at mental health ay dapat na magpakita ito ng medical certificate.
“Katulad ng ibang dahilan na may kinalaman sa kalusugan, kailangan present ng medical certificate para di dumalo, tinatanggap naman kung may basehan,” sabi ni Escudero.
Aniya, duda ito na walang doktor ang nais na tumingin sa kalagayan ni Guo, tulad ng pahayag ng kampo ng alkalde kung saan handa aniyang pagpadala ang Senado ng sariling doktor para tumingin sa kalagayan nito.
“Kung walang doktor na duda ako doon, may doktor ang Senado na pwedeng ipadala para tignan ang kanyang kalagayan ng kalusugan at tignan kung siya ay healthy nga ba o hindi na mag-attend ng hearing base man sa mental o physical state,” giit pa ni Escudero.
Paliwanag pa ni Escudero, tulad ng kaso ni Pastro Apollo Quiboloy na sa oras na maaresto si Guo ay agad na magtatakda ng pagdinig at habang inihahanda ang pagdinig ay ikukulong sa Senado ang alkalde.
“For attendance in the hearing, ang mangyayari as soon na maaresto parang kay Pastor Quiboloy as soon as na maaresto mag-sked agad ng hearing pero di agad-agad baka ilang araw, habang inisked ang hearing siya ay under detention,” ayon pa dito.
Sinabi ni Escudero na hindi rin maaaring gamitin ni Guo ang inihain nitong petition for certiorari para hindi dumalo sa pagdinig ng komite.
“Karapatan nila na mag-file ng petition for certiorari, pero sa mga naunang desisyon ng Supreme Court tulad nito ang sabi ng SC ay ito totoo nga na may right against self incrimination ang sinumang testigo pero ‘yan ay dapat i-invoke kapag may tinatanong na maaaring makapag-iincriminate sa kanya at di pwedeng dahilan paran di mag-attend ng hearing,” paliwanag pa ni Escudero.
