Wanted Indian terrorist kalaboso sa Bacolod — BI

Ni NERIO AGUAS

Iniulat ng Bureau of Immigration (BI) ang pag-aresto sa isang Indian-Nepalese national na na-tag ng mga awtoridad sa New Delhi bilang isang ranking leader ng isang separatist terror group at isang wanted na kriminal sa India.

Ibinunyag ni Immigration Commissioner Norman Tansingco na si Joginder Geon, 41-anyos, ay naaresto noong Lunes sa kanyang tirahan sa Barangay Taculing, Bacolod City, Negros Occidental ng mga operatiba mula sa fugitive search unit (FSU) ng BI.

Sinasabing si Geong ay gumagamit ng ilang alyas kabilang ang Joginder Geyong at Kanta Gupta.

Sinabi ni Tansingco na naglabas ito ng mission order para sa pag-aresto kay Geong sa kahilingan ng gobyerno ng India na nagpaalam sa BI tungkol sa umano’y pagkakasangkot nito sa mga criminal activities sa kanilang bansa.

“Indian authorities have described him as a notorious criminal with a history of serious offenses including murder, extortion, and robbery,” sabi ng BI chief.

Inihayag nito na si Geong ay pinaghihinalaang miyembro ng organized crime syndicate at nasentensiyahan ng habambuhay na pagkakakulong para sa mga kaso ng pagkakaroon ng baril sa India.

Si Geong ay pinaniniwalaan din na may mga link sa Khalistani terror group na naglunsad ng isang armadong separatist rebellion na may layuning magtatag ng isang malayang estado ng Sikh sa lalawigan ng Punjab, India.

“He will be deported for being an undesirable, undocumented, and illegally staying alien whose presence here amounts to a blatant violation of our immigration laws,” sabi ni Tansingco.

Kasalukuyang nakakulong sa BI jail facility sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City si Geong habang inihahanda ang resolusyon para sa pagpapatapon dito palabas ng bansa.

Leave a comment