
Ni NOEL ABUEL
Nagpasalamat si Senador Raffy Tulfo sa Philippine National Police (PNP) sa pagtugon nito sa kanyang mungkahi na ipatupad ang mga police checkpoints sa lahat ng sasakyan at hindi limitahan ito sa mga motorsiklo sa pamamagitan ng paglalabas ng memorandum.
Ayon sa senador, sa gitna ng mga reklamo sa diskriminasyon laban sa mga motorcycle riders, dapat na maglabas ng tamang checkpoint guidelines ang PNP na ipatas sa lahat ng motorista kabilang ang four-wheel vehicles tulad ng pick-up, SUV at van.
Kasabay nito, inihain din ni Tulfo ang Senate Bill (SB) No. 1977 upang i-regulate ang pagtatatag ng mga checkpoints para maiwasan ang anumang paglabag sa mga karapatan ng mga motorista laban sa pang-aabuso at tanim-ebidensya.
Masaya si Tulfo na malaman na si PNP Directorate for Operations director Brig. Gen. Nicolas Salvador, sa pamamagitan ng isang memorandum na may petsang Hunyo 22, 2024, na nag-utos sa mga pulis na itigil ang “selective” na pagpapatupad ng checkpoint operations.
Kinumpirma rin ni PNP Chief Gen. Rommel Francisco Marbil na ipinag-utos na nito sa mga pulis na isama ang mga sasakyan at iba pang sasakyang may apat na gulong sa checkpoints.
Sa pagkakaroon ng parehong guidelines para sa lahat, sinabi ni Tulfo na maiiwasan din ang traffic jams na dulot ng mga inilalatag na checkpoints ng PNP.
Maliban dito, kasalukuyang pinag-aaralan ni Tulfo ang mga paraan upang magbigay ng diskuwento sa motorcycle registration at renewal para sa mga sakay ng Transportation Network Vehicle Service (TNVS) kabilang ang mga food delivery riders at courier para mabawasan ang kanilang mga gastusin.
