
Ni NOEL ABUEL
Kinumpirma ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na mas mataas ang kasalukuyang budgetary cost estimate ng New Senate Building (NSB) kumpara sa mga ibinigay nina Senador Alan Peter Cayetano at Senador Nancy Binay.
“Ito po problema, nu’ng sinubmit ninyo additional submissions ninyo, luma na ang presyo. Meaning that lagpas na sa P23 billion ‘yung total project cost,” ani Cayetano, chair ng Senate Committee on Accounts, sa pagpapatuloy ng pagdinig sa NSB ngayong araw.
Inaminin ng DPWH na ang budgetary cost estimate sa proyekto ay posibleng lumobo sa P25 bilyon hanggang-P27 bilyon.
“Ito ang ayaw naming mangyari. Ang pinagtalunan lang namin ni Senador Nancy Binay ‘yung cost,” sabi ni Cayetano matapos malaman na mas mababa ang pinagtalunan nilang halaga ni Binay kumpara sa bagong numero na ibinunyag ng DPWH.
Ayon pa sa DPWH, ang pagbabago sa budgetary cost estimates ay bunga ng inflation.
Upang mabigyang linaw ang sitwasyon, ibinigay ni Cayetano ang breakdown ng total budgetary cost ng proyekto at ang epekto ng paggamit ng “conservative 20 percent inflationary cost” na tinukoy ng DPWH.
Dahil sa mga variation order, ibinahagi ni Cayetano na kasalukuyang tumaas sa P8.6 bilyon ang estimated cost para sa Phase 1 mula sa orihinal na estimated cost nito na P8.067 bilyon.
Maliban pa rito, sinabi rin ng senador na ang budgetary cost estimate ng Phase 2 ay maaari pang tumaas sa P2.375 bilyon at ang P10.33 bilyong halaga ng Phase 3, ay kasalukuyang sinusuri.
Bilang tugon sa pag-amin ng DPWH, iginiit ng senador sa ahensya na tutukan ang layunin sa pagtayo ng NSB at tapusin ang pagtakda ng gastos batay sa 2024 price upang mapanatili ang pag-usad ng proyekto.
“Kayo ang technical, kayo ang nakakaalam. Simple lang: paano matapos sa soonest possible time [ang project na ito] na tamang presyo at tama ang pagkakagawa,” aniya.
“Get the final design, get the final costing,” dagdag pa ni Cayetano.
