3,000 Leyteños nakatanggap ng TUPAD, CARD aid

Makikita sa larawan ang maraming indibiduwal na nakatanggap ng tulong mula sa tanggapan ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez. Sa itaas ay kita ang pagkatuwa nang matanggap ang tulong pinansyal.

Ni NOEL ABUEL

Aabot sa 3,000 Leyteños ang nakatanggap ng tulong mula sa tanggapan ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez.

Sa patuloy na pagsisikap na suportahan at iangat ang mga komunidad ng Leyte, pinangunahan ni Romualdez ang paglulunsad ng cash at rice aid na nilalayong magbigay ng agarang tulong, gayundin ang emergency na trabaho sa mga residenteng nangangailangan.

Sa ilalim ng programang Cash and Rice Distribution (CARD) na ginanap sa Barangays 94 at Tigbao sa Tacloban City, may kabuuang 2,000 benepisyaryo ang nakatanggap ng P5,000 na cash aid at P1,000 halaga ng bigas, na mahalagang suporta sa mga pamilya sa rehiyon.

Gayundin, idinaos ang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) program sa munisipalidad ng Tolosa, Leyte na nakinabang ang 1,000 indibidwal, na bawat isa ay nakatanggap ng P4,050 para sa 10 araw na pagtatrabaho.

Binigyang-diin ni Romualdez ang kahalagahan ng mga hakbangin na ito sa pagtataguyod ng kapakanan ng komunidad at pagsuporta sa pagbangon ng ekonomiya ng Leyte.

“These aid distributions are a testament to our commitment to serve the people of Leyte. By providing both immediate relief and employment opportunities, we are taking significant steps towards rebuilding and strengthening our communities,” aniya.

“These efforts are part of a broader strategy of the administration of President Ferdinand R. Marcos, Jr. to address the ongoing challenges faced by many Filipinos and to foster resilience and recovery across the nation,” dagdag pa nito.

Binanggit ng lider ng Kamara na ang parehong mga target na programa ng tulong na ito ay ipinatutupad din sa ibang mga lugar sa bansa.

Ang CARD ay idinisenyo upang maibsan ang pinansiyal na pasanin na kinakaharap ng maraming residente at matiyak na mayroon silang access sa mga pangunahing pangangailangan habang ang TUPAD ay nagbibigay ng emergency employment para sa mga displaced workers, underemployed, at seasonal workers na tumutulong sa mga ito na mapanatili ang kanilang kabuhayan.

Sa rollout ng tulong sa Tolosa, kinatawan ni Romualdez ang kanyang district chief of staff na si Atty. Mark Stephen Reyes.

“Alinsunod po sa direktiba ni Speaker Romualdez, patuloy kaming nakikipag-ugnayan sa mga local government units at ibat-ibang mga ahensya ng ating gobyerno para sa maayos at mabilis na paghahatid ng tulong sa ating mga kababayan na nangangailangan ng ayuda,” sabi ni Reyes.

Leave a comment