Matinding parusa sa HHC vape products isinulong ni Sen. Padilla

Ni NOEL ABUEL

Sa layuning mapigilan ang banta sa kalusugan lalo na sa kabataan, isinulong ni Senador Robinhood “Robin” C. Padilla ang pag-amiyenda sa Vape Law (RA 11900) para patawan ng mahigpit na parusa ang mga gumagamit ng bagong hexahydrocannabinol (HHC) vape.

Inihain ni Padilla ang Senate Bill 2729, kung saan ipinunto nito na ang HHC ay semi-synthetic cannabinoid na maaaring magdulot ng “anxiety and paranoia.”

“With the growing popularity of vaping among Filipinos, especially young
people, this representation believes that RA 11900 must also be specific in its penalties for those who will attempt to import, manufacture, sell, package, distribute, and use HHC vapes” sa SB 2729.

Dagdag ni Padilla, bagama’t ang RA 11900 ay naging batas noong 2021 para i-regulate ang vaporized nicotine at non-nicotine at novel tobacco products, hindi pa dito kasali ang bagong HHC vape.

Sa kanyang panukalang batas, nais ni Padilla na palawakin ang RA 11900 para tiyakin na bawal sa vapor product ang HHC “regardless of its quantity.”

Sa sandaling maging batas, mapapatawan ng mahigpit na parusa ang mga manufacturer, importer, distributor, retailer at consumer base sa RA 9165, o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Leave a comment