PBBM pinuri ni Sen. Revilla sa pamamahagi ng tulong sa magsasaka at mangingisda sa Cavite

Ni NOEL ABUEL

Pinuri ni Senador Ramon Bong Revilla, Jr. si Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. matapos nitong pangunahan ang pamamahagi ng cash assistance para sa mga magsasaka at mangingisda sa lalawigan ng Cavite, kasama ang kanilang mga pamilya.

Sa isinagawang distribusyon ng Presidential Assistance to Farmers, Fisherfolks and their Families (PAFFF) sa Dasmariñas City, 12,000 benepisyaryo ang nabiyayaan ng P10,000 cash assistance sa pamamagitan ni PBBM, mula sa Ayuda sa Kapos ang Kita (AKAP) program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

“Labis akong nagpapasalamat sa ating Pangulong Bongbong Marcos sa kanyang pagmamalasakit sa ating mga kababayan dito sa Cavite, lalo na sa ating mga magsasaka at mangingisda kabilang na rin ang kanilang mga pamilya. Damang-dama ng mga Caviteño kung paano inilapit ng Pangulo ang gobyerno patungo sa tao sa pamamagitan ng direktang pamimigay ng tulong pinansyal,” sabi ni Revilla.

Pinaliwanag rin ng mambabatas ang importansya ng pagbibigay ng tulong sa mga magsasaka at mangingisda bilang food producer ng bansa.

“Napakaimportante ng sektor na siyang tinutumbok nitong PAFFF – ang ating mga Food Producers. Sila ang mga nagsisigurado na mayroong pagkain sa hapag ng bawat Pilipino. Sila ang susi para tayo ay patuloy na maging sustainable sa supply ng pagkain,” sabi ni Revilla.

Dinaluhan rin ng mga kongresista ng lalawigan ng Cavite ang naturang okasyon kung saan pamamagitan ng mga ito ay naabutan ang bawat benepisyaryo ng tig-limang kilong bigas.

“Nagpapasalamat din tayo sa ating mga congressman na silang nag-abot din ng tulong sa ating mga kababayan. Umuwing masaya ang lahat dahil mayroon nang cash assistance, meron pang bigas,” ani ng mambabatas.

Naging kabahagi rin ang mga national government agencies katulad ng Department of Agriculture (DA), Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Trade and Industry, (DTI), at ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa nasabing programa.

Leave a comment