
Ni NOEL ABUEL
Nakatakdang ihain ngayong linggo ni Senador Robinhood “Robin” C. Padilla ang anti-political dynasty bill bilang tugon sa panawagan ng ilang grupo sa pagpapatupad ng probisyon ng Saligang Batas laban sa dynasty.
Ani Padilla, ito ay tugon sa mga petisyon at pleadings na nananawagan sa Korte Suprema para atasan ang Kongreso na magpasa ng enabling law laban sa political dynasties.
“Tulad ng sinabi ko sa pagdinig ng Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes noong Hunyo, ako ay naniniwala sa 1987 Constitution, ngunit nabigo tayong magpasa ng enabling law para rito,” ani Padilla, na tagapangulo ng nasabing komite.
“Hindi pa huli para silipin natin kung saan nagkulang ang ating henerasyon,” dagdag nito.
Ayon kay Padilla, matapos nitong hain ang kanyang panukalang batas, balak nitong talakayin sa Senate Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes.
Sa nakalipas na pagdinig noong Hunyo, iginiit ni Ricardo Penson, chairman ng Consumer Protection Advocacy Group, Inc. (CPAG), na noon pang 1990s, 60 porsiyento na ng Kongreso ay galing sa political dynasties.
Ngayon, aniya, lumobo na ito sa 92 porsiyento.
Dahil dito, maaaring mabigo aniya ang pagbago sa Saligang Batas sa pamamagitan ng constitutional convention “if 92 percent will be running as delegates” sa convention.
Ayon naman kay Christian Monsod – isa sa mga tagapagbalangkas sa 1987 Constitution – dapat unahin ng Kongreso ang pagpasa ng anti-dynasty law sa halip na amiyendahan ang Saligang Batas.
Nagbabala ito sa masamang epekto ng political dynasties.
Ayon sa mga ulat, iginiit ni Monsod na hindi mangyayari ang tunay na pagbabago hangga’t hindi tinutugunan ang ugat ng sistema.
