Wanted na Sokor fugitive arestado sa NAIA

Ni NERIO AGUAS

Inaresto ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang wanted na South Korean ng international police sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Kinilala ni BI Commissioner Norman Tangsingco ang nasabing dayuhan na si Choi Injoon, 47-anyos, na nasa wanted list ng Interpol dahil sa pagiging fugitive mula sa hustisya sa kanyang bansa.

Nabatid na tinangkang umalis ng Pilipinas ni Choi sa NAIA Terminal 3 bago pa makasakay ng Cebu Pacific flight patungong Ho Chih Minh City, Vietnam.

Sinabi ni Tansingco na pinigilan si Choi na umalis ng bansa matapos na ang kanyang pangalan ay lumabas sa Interpol derogatory check system na nagpapahiwatig na ito ay isang wanted fugitive sa South Korea.

“We will deport him to Korea as soon as we have issued the order for his summary deportation. We will coordinate the arrangements for his departure with the South Korean embassy in Manila,” sabi ni Tansingco.

Ayon sa BI-Interpol, si Choi ay wanted ng Korea police kaugnay ng illegal gambling na kinasasangkutan nito at nag-o-operate ng ilang gambling sites sa internet.

Inakusahan ito ng pagkuha ng serbisyo ng isang dalubhasang computer programmer noong 2017 na nagbigay-daan sa kanya na kumita sa pamamagitan ng pagnanakaw ng personal na data ng mga biktima mula sa mga internet site sa pamamagitan ng pag-hack at pagmamanipula ng Internet gambling matches.

Iniulat na itinatag ni Choi ang kanyang punong-tanggapan sa Cambodia noong 2018 kung saan ang kanyang mga na-recruit na hackers at programmers ay nagpapatakbo ng internet gambling sites na nag-aalok ng iba’t ibang uri ng mga laro, kabilang ang paligsahan sa palakasan at mga online casino cards at slot machines.

Kasunod ng kanyang parusa, isang warrant of arrest ang inilabas laban kay Choi ng Ulsan district court sa Korea noong Disyembre 28, 2023 na naging batayan para sa Interpol na maglabas ng red notice laban sa kanya.

Bilang resulta ng kanyang pagkakaaresto, isasama si Choi sa immigration blacklist at ban na pumasok muli sa Pilipinas dahil sa pagiging undesirable alien.

Kasalukuyang nakakulong sa BI jail facility sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City si Choi habang inihahanda ang resolusyon para sa pagpapatapon dito palabas ng bansa.

Leave a comment