
Ni NERIO AGUAS
Nasabat ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 ang isang Chinese national na nagkunwang Filipino para masagip sa kamay ng human trafficking syndicate sa bansang Myanmar.
Nabatid na nagduda ang BI officers sa NAIA nang ipakita ng nasabing dayuhan na may alyas ‘King’, 40-anyos, ang kanyang sarili bilang isang Filipino sa arrival inspection.
Base sa record ng BI, ang nasabing dayuhan ay umalis ng Pilipinas noong Hulyo ng nakalipas na taon patungong Thailand gamit ang Chinese passport na may permanent residence visa sa ilalim ng RA 7919.
Inamin ng naturang dayuhan na ginamit nito ang kanyang Chinese passport ayon sa payo ng kanyang mga recruiters para maiwasan ang pagtatanong tungkol sa kanyang layunin sa paglalakbay.
Pagdating nito sa Thailand, tumawid ito sa ilog patungong Myanmar kasama ang 3 iba pa at ikinuwento kung paano ito binayaran lamang ng isang buwan, ngunit pinarusahan nang maglaon.
Pinalaya ito matapos bayaran ang kanyang mga recruiter ng 20,000 baht o higit sa P32,000 ngunit inaresto ng Thai immigration at ikinulong ng 3 buwan.
Sinabi pa ni ‘King’ na natakot umano ito na ma-deport sa China kung gagamitin nito ang kanyang Chinese passport, at idineklara nitong hindi pa nakabalik sa China mula nang dalhin siya ng kanyang ina sa Pilipinas noong ito ay anim na buwang gulang.
Ang kanyang ina ay isang permanent residence holder sa Pilipinas, habang ang kanyang ama ay isa umanong naturalized Filipino.
Binigyan ito ng Philippine travel document ng Philippine embassy sa Bangkok at pinabalik sa Pilipinas.
Sinabi ni BI Commissioner Norman Tansingco na ang mga insidenteng tulad nito ay epekto ng mga Chinese migrants na kumukuha ng mga shortcut upang makakuha ng Philippine citizenship.
“You cannot buy citizenship. You can be born with it, or be naturalized. There are no other modes or shortcuts in acquiring Philippine citizenship,” ayon sa BI chief.
“We are glad that many government agencies and lawmakers are already looking into this issue. This is a national security concern that needs to be addressed, lest it be abused by foreign nationals with malicious intent in the Philippines,” dagdag nito.
Kasalukuyang nakakulong sa BI jail facility sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City ang nasabing dayuhan habang inihahanda ang resolusyon para sa pagpapatapon dito palabas ng bansa.
