Banta sa buhay ni Alice Guo ipinagtataka ni Senate President Escudero

Ni NOEL ABUEL

Ipinagtataka ni Senate President Chiz Escudero kung saan nanggagaling ang balitang may banta sa buhay ni suspended Bamban Mayor Alice Guo kung kaya’t nagtatago ito at hindi mahanap ng mga tauhan ng Senate Sgt. at Arms.

Ayon kay Escudero, wala itong nakikitang dahilan kung bakit sinasabi ng kampo ni Guo na may banta sa buhay ng alkalde.

“Wala akong nakikitang rason sa totoo lang, hindi ko alam kung saan nanggagaling ‘yung sinasabi niyang banta diumano laban sa kanyang buhay,” sa panayam ng mga mamamahayag.

Tugon ito ng Senate President sa pahayag ng abogado ni Guo kung kaya’t ayaw dumalo sa pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality.

Kaugnay nito, sinabi ni Escudero na sa sandaling maaresto si Guo ay hindi naman ito ituturing na kriminal ng Senado.

“This is not a penalty. This is not a punishment for the commission of any crime. Itong pag-detain sa kanya ay para tiyakin lamang na siya ay a-attend ng padinig ng Senado. At matapos siyang mag-attend ng pagdinig ay walang rason para patuloy pa siyang i-detain,” pahayag pa ni Escudero.

Ipinatanggol din nito ang inilabas na warrant of arrest laban kay Guo ay dahil sa ayaw nitong sundin ang subpoena na inisyu ng nasabing komite na pinamumunuan ni Senador Risa Hontiveros.

“Kasi kung boluntaryo naman siyang pupunta at subpoena ng komite, wala namang rason para mag-issue pa ako ng warrant. Kaya naman ako nag-isyu ng warrant ay dahil ayaw niyang sundin ang subpoena na inisyu ng komite,” aniya pa.

Sinabi pa ni Escudero na kung nangangamba si Guo sa kaligtasan nito ay maaari naman itong magpakulong sa detention facility ng Philippine National Police (PNP) sa loob ng Senado na may bantay na pulis at K-9 unit.

Hindi rin aniya pipigilan si Guo na makasama nito ang kanyang mga kamag-anak habang nakadetine sa Senado.

Leave a comment