
Ni NERIO AGUAS
Patay ang isang Chinese national na miyembro ng kidnap gang na nambibiktima ng mga dayuhan sa Central Luzon habang naaresto ang tatlo iba pa sa operasyon sa Pampanga ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI).
Sa isang pahayag, sinabi ni Immigration Commissioner Norman Tansingco na nangyari ang insidente sa loob ng isang condominium building sa Angeles City kung saan ni-raid ng grupo ng mga ahente mula sa fugitive search unit ng BI ang mga suspek para arestuhin dahil sa paglabag sa Philippine immigration laws.
Sinabi ni Tansingco na sa halip na sumuko ay nagtakbuhan ang mga dayuhan at nagtangkang tumakas, na naging dahilan upang habulin sila ng mga operatiba ng BI.
Nahuli at naaresto ng mga tumutugis na BI operatives ang dalawa sa mga suspek na kinilalang sina Feng Zhengheng, 29-anyos at Chou Yibo, 33-anyos.
Gayunpaman, tumanggi ang kanilang kasama na si Wu Fu Wen, 35-anyos, na sumuko at sa halip ay binaril ang sarili na agad na ikinamatay nito.
Samantala, isang babaeng Chinese din ang naaresto na nakilalang si Wang Yan, 25-anyos, na overstaying na sa bansa.
Ayon kay Tansingco, ang mga Chinese nationals ay pangunahing suspek sa pagpatay sa siyam na dayuhan na ang mga bangkay ay itinapon sa iba’t ibang lugar sa Pampanga ilang buwan na ang nakararaan.
Anim sa mga pinaslang ay mga Chinese habang ang tatlo pa ay mula sa Vietnam, Malaysia at Japan.
Sinabi ni Tansingco na ang mga Chinese nationals na naaresto ay kakasuhan ng deportation case dahil sa pagiging overstaying ng kanilang mga tourist visa.
Tatlo sa mga ito ay dumating sa Pilipinas noong 2019 at simula noong ay hindi na umaalis at nag-apply para sa extension ng kanilang pananatili sa bansa.
“They will remain in our detention facility until the criminal cases filed against them are resolved by the court as they will also be facing deportation charges,” ayon sa BI chief.
