
Ni NOEL ABUEL
Nagbabala si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada laban sa mga production outfits na lantarang lumalabag sa Eddie Garcia Law, na nagsasabing maaari na itong managot habang hinihintay ang paglalabas ng Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Republic Act No. 11996.
“Malinaw ang nakasaad sa batas: Itinatakda na sa walo hanggang labing-apat na oras lang kada araw ang dapat na working hours ng mga manggagawa sa entertainment industry. Ang hindi pagsunod sa probisyon ng ngayon ay ganap ng batas na Eddie Garcia law ay may karampatang multa na P100,000 hanggang kalahating milyong piso,” pahayag ni Estrada.
Aniya, nakarating sa kaalaman nito na ilang production outfit ang patuloy na ipinatutupad na 20 hanggang 22 oras na shooting, na isang tahasang paglabag sa Section 9 ng RA 11996.
Batay sa impormasyong nakarating kay Estrada, sinasabi ng ilang production executive na hindi pa maipatutupad ang RA 11996 dahil sa kawalan ng anumang umiiral na IRR.
Ang nasabing panukala ay nilagdaan bilang batas noong Mayo 24.
“The hours of work shall be eight hours a day which can be extended to a maximum of fourteen, exclusive of meal periods. In no case shall the total number of work hours be more than 60 hours a week. They cannot circumvent the law by claiming that the Eddie Garcia law cannot be enforced without an IRR. This is untenable,” sabi ni Estrada.
Binanggit ni Estrada ang desisyon ng Korte Suprema na inilabas noong Oktubre 6, 2008, na nagsasabing hindi kinakailangan ang pagpapatupad ng mga patakaran upang magbigay ng legal na epekto sa mga probisyon ng isang batas.
Higit pa rito, itinuro ng senador na nag-sponsor ng panukala sa Senador na nakasaad sa Section 33 ng RA 11996 na ito ay magkakabisa 15 araw pagkatapos makumpleto ang paglalathala nito alinman sa Official Gazette o sa isang pahayagan ng pangkalahatang sirkulasyon.
Ang RA 11996 ay na-upload sa Official Gazette noong Mayo 28, apat na araw matapos itong mapirmahan bilang batas.
“Isinabatas natin itong Eddie Garcia Law para magkaroon ng malinaw at makatarungan na mga patakaran, pamantayan at alinsunod sa matagal ng panawagan ng mga manggagawa sa movie at TV industry na matiyak na mapapangalagaan ang kanilang kapakanan at karapatan sa trabaho,” sabi ni Estrada.
“Uulitin ko, mayroon nang umiiral na batas at ang sinumang lalabag dito ay dapat handang tanggapin ang kaukulang parusa kapag sila ay napatunayang nagkasala,” giit nito.
