
Ni NERIO AGUAS
Niyanig ng magkakasunod na paglindol ang mga lalawigan ng Isabela, Benguet at Albay ngayong araw, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Sa datos ng Phivolcs, ganap na alas-7:19 ng umaga nang tumama ang magnitude 4.7 na lindol sa Maconacon, Isabela na may lalim na 021 km at tectonic ang origin.
Naramdaman ang intensity IV sa Maconacon at Divilacan, Isabela at intensity III sa Peñablanca, Cagayan; intensity II sa San Pablo, Cabagan, at Santo Tomas, Isabela habang intensity I sa Tumauini at Delfin Albano, Isabela.
Samantala, sa instrumental intensities ay naitala ang intensity IV sa Peñablanca, Cagayan at intensity II sa Gonzaga, Cagayan.
Ganap namang alas-10:12 ng kagabi nang maitala ang magnitude 4.5 na lindol sa Kabayan, Benguet na may lalim na 010 km at tectonic din ang origin.
Naramdaman ang intensity III sa Kabayan, Benguet habang intensity II sa Kayapa at Dupax Del Norte, sa Nueva Vizcaya.
Sa instrumental intensities ay naitala ang intensity II sa Lamut, Ifugao at intensity I sa Bontoc, Mountain Province.
Dakong alas-5:20 ng madaling-araw nang maramdaman ang magnitude 3.9 na lindol sa Rapu-rapu, Albay.
May lalim itong 001 km at tectonic ang origin.
Naitala ang intensity II sa Bacon at Prieto Diaz, sa Sorsogon.
Wala pang danyos na natatanggap ang Phivolcs sa epekto ng nasabing mga paglindol habang wala namang inaasahang aftershocks sa mga susunod na mga araw.
