Pagsasabatas ng anticipatory actions sa mga kalamidad isinusulong ni Sen. Estrada

Ni NOEL ABUEL

Naghain ng panukala si Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada para sa pagtatatag ng sistema sa pagdedeklara ng “State of Imminent Disaster” at pagpapatupad ng mga hakbang para maagapan ang pagsagip sa mga buhay at ari-arian tuwing may paparating na kalamidad, batay sa risk assessment ng mga ahensya gaya ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

“Sa ilalim ng panukalang ito ay magkakaroon ng konsepto na ‘anticipatory action,’ isang paraan para mabawasan ang pinakamalalang epekto ng mga inaasahang panganib sa mga residente, maging sa mga hayop at ari-arian na maaaring maapektuhan,” ani Estrada.

Base sa Senate Bill No. 2643, magtatakda ang NDRRMC ng mga pamantayan para sa panukalang “Declaration of State of Imminent Disaster Act” upang maiwasan ang posibilidad ng isang sakuna o pagdulot ng malaking pinsala sa mga mahahalagang imprastruktura, maging ang pagkagambala sa mga kritikal na serbisyo gaya ng kuryente, tubig at pangangalaga sa kalusugan.

Ayon kay Estrada, layunin ng panukalang batas na baguhin ang pagtugon sa mga sakuna mula sa pagiging reactive ay maging proactive at mapahusay pa ang kakayahan at kahandaan sa gitna ng mga lumalalang banta dulot ng climate change at mga kalamidad.

“Malaking tulong ang Pre-Disaster Risk Assessment (PDRA) bago nanalasa ang bagyong Odette noong Disyembre 2021 kung saan anim na rehiyon ay na pre-identify na high-risk regions kaya nabigyan ng mga kaukulang hakbang gaya ng preemptive evacuation at maraming buhay ang nasalba mula sa tiyak na kapahamakan,” pahayag ni Estrada.

Gayunpaman, iginiit ng lider ng Senado ang pangangailangan sa pagpapalawak ng mga mekanismo at pagpapatupad ng mas maayos na disaster risk reduction infrastructure gamit ang pondo ng national at lokal na gobyerno para maisagawa ang mga anticipatory actions.

Sa ilalim ng panukalang batas, maaaring magdeklara ang Pangulo ng State of Imminent Disaster sa isang grupo ng mga barangay, munisipalidad, lungsod, probinsya at rehiyon batay sa rekomendasyon ng NDRRMC.

Bibigyan din ng kapangyarihan ang mga gobernador at alkalde na gumawa ng naturang deklarasyon kung nirerekomenda ito ng Local DRRM Council (LDRRMC).

Ayon pa sa senador, ang isang State of Imminent Disaster ay maaaring ideklara kung may nakikitang panganib dulot ng natural disasters, epidemya, pandemya, public health emergencies at iba pang mga pangyayaring nakakagambala sa normal na pamumuhay ng mga komunidad.

Kung magbago ang forecast ng panganib, ang gobyerno ay magpapatupad ng “no regrets” na diskarte upang matiyak na ang mga anticipatory actions ay may pakinabang sa target na populasyon anuman ang na-update na forecast.

Ang local government units (LGUs)ay maglalaan ng 70 porsiyento ng kanilang budget para sa Local DRRM Plans at titiyakin na ang mga pondong ito ay agad na maipapamahagi sa sandaling ideklara ang State of Imminent Disaster.

Ang mga hindi nagamit na pondo mula sa LGUs ay ililipat sa isang special trust fund, habang ang mga hindi nagamit na pondo ng mga ahensya ng national government ay babalik sa National Treasury sa oras na maalis ang deklarasyon ng State of Imminent Disaster.

Ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at ang mga Local Social Welfare and Development Offices ay aatasan sa pag-iimbak ng mga pagkain at non-food items.

Sinumang mapapatunayang nagkasala sa pagpapabaya sa tungkulin na nagdulot ng kamatayan, malubhang pinsala sa mga pasilidad, maling paggamit ng pondo, o pagharang sa mga relief goods sa mga lugar na idineklara sa ilalim ng State of Imminent Disaster ay maaaring maharap sa multa ng hanggang P500,000 at pagkakakulong ng hanggang 12 taon.

Ang parehong parusa ay ipapataw sa mga napatunayang nag-divert, nag-substitute, at maling naglahad ng pinagmulan ng mga relief goods.

Leave a comment