Solon sa OFWs sa Gitnang Silangan: itaas ang kasanayan at pagsasanay

Si OFW party list Rep. Marissa”Del” Mar Magsino habang nagbibigay ng paalala sa mga overseas Filipino workers (OFWs) na pahusayin ang kasanayan.

Ni NOEL ABUEL

Isinusulong ng isang kongresista ang kahalagahan ng edukasyon at pagsasanay upang matulungan ang lahat ng Pinoy na maging mas mabuting bersyon ng kanilang sarili lalo na ang mga overseas Filipino workers (OFWs).

Ito pahayag ni OFW party list Rep. Marissa “Del Mar” Magsino, na unang bumisita sa Abu Dhabi, United Arab Emirates para dumalo sa OFWs and Empowerment Summit ng APEX at Trust Asian Training Center.

Sa kanyang pangunahing talumpati, nanawagan ito sa mga tumanggap ng pagsasanay na gamitin ang kanilang kaalaman upang makatulong na mapabuti ang kanilang mga kasanayan.

“Your up-skilling or re-tooling will surely open more opportunities for you. As you improve yourselves through training and education like this, you also help your family, the community, and eventually our country, to create a better future for all of us,” sabi ni Magsino.

Binanggit nito na bagama’t ang mga Pilipino ay nananatiling pinipiling manggagawa sa UAE, kailangang i-upgrade ng mga Pilipino ang kanilang mga kasanayan at kakayahan dahil may humigit-kumulang 200 iba pang nasyonalidad sa UAE na nakikipagkumpitensya para sa mga oportunidad sa kabuhayan.

Inihalimbawa nito ang mga Indian ay nasa 3 milyon, ang Pakistani ay nasa 1.8 milyon at ang mga Pilipino ay nasa isang milyon lamang.

Ilang OFWs ang matagumpay na lumipat mula sa pagiging empleyado tungo sa pagiging negosyante dahil sa pagbabago ng batas ng UAE na nagpapahintulot sa mga dayuhan na magtayo ng negosyo nang hindi nangangailangan ng lokal na kasosyo.

Sinabi ng Embahada ng Pilipinas sa Abu Dhabi, United Arab Emirates na pinamumunuan ni Ambassador Alfonso Ver, na maraming OFWs ang nagtatrabaho sa mga propesyonal na larangan at iilan lamang ang gumagawa ng mga gawaing bahay.

Bibihira rin ang mga isyu ng mga undocumented na Pilipino at maging ang mga tumakas sa kanilang mga amo ay kakaunti lamang hindi tulad sa ibang mga bansa sa Middle east.

Magkahiwalay ring nagpulong ang mga opisyal ng Embassy of the Philippines sa UAE at si Magsino at tinugunan ang iba’t ibang isyu ng mga Filipino migrants, partikular ang mga undocumented Filipino children sa UAE o “Stateless Children”, na naresolba na ayon kay Ambassador Ver.

Sinabi ng embahada na ang mga kaso na ito ay bihira na ngayon sa UAE dahil mayroong DNA testing upang maitaguyod ang filiation sa isang partikular na nasyonal.

“Maligayang ibinalita sa atin ni Ambassador Alfonso Ver na ang isyung stateless children ay naresolba na. Ibinahagi niya na bihira ang mga ganitong kaso sa UAE dahil sa pagkakaroon ng DNA testing upang matukoy ang kaugnayan sa isang partikular na nasyonal. Noon, ang mga batang Pilipino na ipinanganak sa kanilang mga bahay ay hindi pinapayagang mairehistro sa Health Authority of Abu Dhabi Licensing (HAAD). Upang maitama ito, ang Department of Foreign Affairs (DFA) at ang Migrant Workers Office (MWO) ay nagbigay ng pondo sa mga qualified na mga nanay para sa DNA testing. Ang assessment na ito ay nagpapatunay ng kaugnayan sa bata, na tinitiyak na ang bata ay maaaring bigyan ng kinakailangang mga dokumento,” masayang balita na dala ni Magsino.

Leave a comment