4 Japanese nationals arestado ng BI

Ni NERIO AGUAS

Naaresto ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang apat na Japanese nationals na wanted sa kanilang bansa.

Kinilala ni BI fugitive search unit Rendel Ryan Sy ang tatlo na nahuli na sina Ueda Koji, 27-anyos, Kiyohara Jun, 29-anyos, at Suzuki Seiji, 29-anyos, sa isang subdibisyon sa Parañaque City.

Ang pag-aresto ay alinsunod sa mission order na inisyu ni BI Commissioner Norman Tansingco, matapos makatanggap ng impormasyon mula sa Japanese government tungkol sa kanilang mga krimen.

Base sa record, ang tatlong dayuhan ay mayroong warrant of arrest mula noong Mayo 2024 na inisyu ng Omiya Summary Court para sa kasong fraud na paglabag sa Japanese Penal Code.

Samantala, sa hiwalay na ulat, naaresto rin ang isa pang Japanese national na si Sawada Masaya, 39-anyos, sa loob ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3.

Ang apat na dayuhan ay sinasabing founding members ng telecom fraud syndicate na nakabase sa Cambodia at may mga kasong kriminal na may kaugnayan sa unlawful capture, confinement, extortion, at fraud.

Sa kabilang banda, nai-deport na ng BI ang isa pang Japanese national na si Aoi Ikeda, 36-anyos, na una nang naaresto noong Enero 15 sa NAIA Terminal 3.

Si Ikeda ay ipinatapon noong Hunyo 26 sa Osaka matapos itong hatulan ng BI na nagkasala ng paglabag sa Immigration Law.

Bilang resulta ng kanyang deportasyon, ang pangalan ni Ikeda ay kasama sa BI blacklist na awtomatikong hindi na muling makakapasok sa Pilipinas.

Leave a comment