


Ni NOEL ABUEL
Bilang pagkilala sa mga overseas Filipino workers (OFWs) na mga makabagong bayani at sa hindi natitinag na pangako ng OFW party list na mapabuti ang buhay ng mga migranteng manggagawa, nilagdaan ni OFW party list Rep. Marissa “Del Mar” Magsino at Duty Free Philippines Corporation (DFPC) ang isang memorandum of understanding (MoU) para magbigay ng eksklusibong diskuwento sa mga miyembro ng partido.
Sa ilalim ng nasabing kasunduan, ang mga miyembro ng OFW party list na may card-bearing ay makatatanggap ng hanggang 15% na diskuwento sa lahat ng regular item kapag sila ay namili sa Duty Free Fiestamall sa Parañaque City.
Ayon kay Magsino, ang diskuwento na ito ay naaangkop sa loob ng labinlimang araw mula sa pagdating mula sa ibang bansa at pinalawig ng hanggang tatlumpung araw mula sa pagdating ng Nobyembre 15 hanggang Enero 15.
“‘Yung mga pasalubong ninyo sa pagbalik-Pinas, dito ninyo na bilhin sa Duty Free dahil may 15% discount kayo. Sa panahon ngayon, wais na dapat sa paggastos. Dito sa Duty Free ang mga produkto ay quality na at binebenta pang may diskuwento para sa inyo dahil miyembro kayo ng OFW party list,” sa pahayag ni Magsino.
Pinasalamatan naman ng mambabatas ang DFPC sa pagkilala sa pagsisikap ng nasabing partido ng mga OFWs na suportahan ang mga makabagong bayani sa kasalukuyang panahon.
Maliban sa mga diskuwento sa Duty Free Fiestamall, ang mga miyembro ng OFW party list ay maaari ring mag-avail ng mga diskuwento sa mga partner hotels at establisimiyento kabilang ang Kingsford Hotel, Holiday Inn Express Manila, Makati Diamond Residences, at I-Secure Networks and Business Solutions, Inc.
Nagpahiwatig din si Magsino sa hinaharap na mga diskuwento sa iba pang mga kasosyong establisimiyento ng DFPC para sa mga miyembro ng OFW party list.
Binigyan-diin ni Magsino na habang ang mga regular na biyahero ay tumatanggap ng 5% na diskuwento para sa dalawang araw na shopping sa duty-free establishments, ang eksklusibong 15% na diskuwento ay isang espesyal na pagkilala sa adbokasiya ng OFW party list.
Ipinahayag ni DFPC Chief Operating Officer Vicente Angala na nais ng DFPC na ipakita ang pasasalamat ng pamahalaan sa mga kontribusyon ng mga OFW at ang pangako ng OFW party list na suportahan ang mga migranteng manggagawa.
Bukod sa mga diskuwento, iniaalok din ng DFPC sa OFW party list ang Fiestamall Atrium nito bilang venue para sa kanilang mga aktibidad.
