


Sinaksihan ni National Authority for Child Care (NACC) Undersecretary Janella Ejercito Estrada ang inquest proceedings sa isang suspek na inakusahan ng pagbebenta ng anim na araw na sanggol kapalit ng P25,000 sa pamamagitan ng Facebook na ginanap sa Department of Justice (DOJ) sa Ermita Manila.
Ni NOEL ABUEL
Naaresto ng mga awtoridad ang isang midwife na sangkot sa illegal online adoption sa isinagawang entrapment operation at masagip ang 6-araw pa lamang na sanggol.
Magkasanib na operasyon ang isinagawa ng mga tauhan ng National Anti-Trafficking in Persons Awareness Month, ng Department of Justice (DOJ) – Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT), National Bureau of Investigation’s Anti-Human Trafficking Division (NBI-AHTRAD) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) para masagip ang sanggol at maaresto ang di pinangalang suspek.
Ayon sa ulat, gjnawa ang entrapment operation sa Muntinlupa City noong Hulyo 16.
Nabatid na nagsagawa ng imbestigasyon ang NBI-AHTRAD kung saan nang i-flag ng Cyber Tip Center ng DOJ-IACAT ang kahina-hinalang aktibidad ng suspek sa Facebook.
Nakatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad na nagbebenta umano ng sanggol ang suspek sa pamamagitan ng social media account sa ibang pangalan.
Dito ay naaresto ang 51-anyos na midwife, na sinasabing nag-aalok sa sanggol sa halagang P25,000.
Agad namang isinuko sa DSWD ang nasagip na bagong panganak para sa tamang pangangalaga at proteksyon.
Ipinagharap ng kaso sa DOJ ang suspek nag paglabag sa Republic Act (RA) 7610 o ang “Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination”, at ang RA 9208 o ang “Anti-Trafficking In Persons (TIP) Act”, as amended by RA 10364, at RA 11862.
Kasama si National Authority for Child Care (NACC) Undersecretary Janella Ejercito Estrada sa inquest proceedings laban sa suspek at pinuri ang operasyon ng NBI.
“This arrest is a crucial step in our relentless fight against child trafficking, and illegal adoption. The NACC is to chair the newly-created DOJ-IACAT-Technical Working Group on Anti-Illegal Adoption,” sabi nito.
“We commend the NBI and all involved agencies for their swift and decisive action. The NACC remains committed to protecting the welfare of children and ensuring that those who exploit them are brought to justice. We urge the public to remain vigilant and report any suspicious activities to the authorities,” dagdag pa ni Estrada.
Tiniyak ni Estrada ang pangako ng DSWD, NACC, DOJ sa pamamagitan ng NBI, at iba pang partner agencies na labanan ang child trafficking, illegal online adoption, at protektahan ang mga bata mula sa potensyal na pagsasamantala.
Samantala, nagbigay rin ng sertipikasyon ang NACC sa NBI na nag-validate na hindi sumailalim sa legal adoption process ang suspek sa ahensya.
