
Ni NOEL ABUEL
Umapela si Senador Christopher “Bong” Go sa pamahalaan na dagdagan ang government intervention nito para mas maraming mahihirap ang matulungan.
Sa isang ambush interview matapos tulungan ang mga mahihirap na residente sa Tagbilaran City, Bohol, sinagot ni Go ang ilang mahahalagang isyu na nakakaapekto sa mga Pilipino ngayon, na binanggit ang kamakailang survey ng Pulse Asia na tumutukoy sa tumataas na halaga ng mga bilihin at serbisyo bilang pangunahing alalahanin ng mga Pilipino.
Ayon sa survey na isinagawa mula Hunyo 17-24, 2024, 72% ng mga Pilipinong nasa hustong gulang ang naniniwala na ang pagkontrol sa tumataas na presyo ng mga pangunahing bilihin ay dapat agad na tugunan ng administrasyon.
“Totoo ‘yan, 72 percent sa mga respondents, concern sa majority ng mga Pilipino ang pagtaas ng presyo sa mga bilihin at serbisyo. Ibig sabihin, mataas ang gastusin ngayong mga panahon. Alam n’yo, napakahirap talaga ngayon,” sabi ni Go.
Binigyan diin ng senador ang pangangailangan para sa agarang interbensyon ng pamahalaan upang maibsan ang mga pasanin, lalo na para sa mga mahihirap at sektor ng agrikultura.
“Unahin n’yo munang tulungan ang mga mahihirap, ‘yung mga nangangailangan na mga farmers, unahin ninyo. Ang government interventions, tulungan natin ang mga farmers. Dapat masaya ang mga farmers always,” giit nito.
Sinabi pa ni Go ang mahalagang papel ng Malasakit Centers sa pagbibigay ng suporta at pagtataguyod ng kalusugan, lalo na sa panahong ng mahihirap na ekonomiya.
“Kapag nagkasakit ang mga Pilipino, mayroon tayong mga Malasakit Center na handang tumulong sa atin mga kababayan. Malaking tulong itong Malasakit Center sa mga mahihirap dahil kapag nagkasakit hindi niyo na kailangan bumunot sa inyong mga bulsa dahil matutulungan kayo sa inyong pagpapaospital,” aniya.
