
Ni NOEL ABUEL
Aminado si Senador Sherwin Gatchalian na doble ang pag-iingat nito sa dahil sa banta sa buhay nito sa gitna ng patuloy na imbestigasyon sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).
Ito ang sinabi ni Gatchalian kung saan ilan sa pag-iingat nito ay hindi na lumalabas nang mag-isa o magpunta sa mall at may kasama nang security escorts.
“I have to change also ‘yung ating ginagawa. Katulad nga before, I used to go, kung may bibilhin ako sa mall, ako lang mag-isa. But ngayon, of course meron nang security because of this. Habang pinag-uusapan natin itong isyu ng POGO, dapat mag-ingat kasi nakita ko ‘yung mga torture na ginagawa at ‘yung mga taong nandito. Hindi sila ordinaryong criminal syndicates, triad ito,” sabi ni Gatchalian.
Nagpasamat din ito kay Senate President Chiz Escudero dahil sa pagbibigay nito ng karagdagang security noong nag-request ito.
“I’m taking precautionary measures at nagpapasalamat nga ako kay SP Escudero dahil nagbigay siya ng additional security nu’ng nag-request tayo. At mag-ingat na lang,” sabi pa ni Gatchalian.
Maliban kay Escudero, nagpasalamat din si Gatchalian kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa sa payo nitong paigtingin nito ang personal security,
“Meron naman akong sariling security at nag-beef up rin kami,” aniya pa.
Subalit binanggit ni Gatchalian na tuluy-tuloy pa rin ang trabaho nito sa Senado kasabay ng pagsasabing ibinigay na nito sa Philippine National Police (PNP) ang death treat na natanggap nito upang magsagawa ng imbestigasyon.
“Tuloy ‘yung trabaho. Ingat lang. Tuloy ‘yung investigation. Wala namang nagbago sa trabaho. Nagbago lang ‘yung mga outside of work,” aniya pa.
Sinabi pa ng senador na wala namang itong nararamdaman na may nagmamasid sa galaw nito.
“So far wala. Dahil naniniwala ako. Nu’ng mayor ako, may nagsabi sa akin na kung mayroong papatay sa iyo, hindi naman sasabihin sa iyo. Bigla na lamang mangyayari ‘yun,” dagdag pa ni Gatchalian.
