
Ni NERIO AGUAS
Bumagsak sa kamay ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang South Korean fugitive na wanted ng mga awtoridad sa Seoul dahil sa pagkakasangkot sa telecommunications fraud.
Kinilala ni BI Commissioner Norman Tansingco ang naarestong dayuhan na si Lee Seul Ki, 37-anyos, noong nakalipas na Hulyo 11 sa condominium unit sa Clark Freeport Zone sa Angeles City, Pampanga.
Sinabi ni Tansingco na inaresto si Lee sa bisa ng mission order na inilabas nito base sa kahilingan ng South Korean government na humingi ng tulong sa BI sa pag-aresto dito.
“We will send him back to Korea after our board of commissioners has issued the order for his summary deportation. We will then include him in our blacklist to prevent him from re-entering the Philippines,” ayon sa BI chief.
Ayon sa BI-Interpol, si Lee ay may warrant of arrest na inisyu ng central district prosecutor’s office sa Seoul at Nambu district court noong Pebrero 17, 2017.
Inakusahan ng mga awtoridad si Lee bilang miyembro ng voice phishing syndicate na nagpanggap bilang isang pulis o financial advisor sa pagtawag sa mga biktima na naloko para ibunyag ang kanilang personal na data sa bangko.
Ang scheme ay naiulat na nagbigay-daan sa kanya upang ilipat ang pera ng mga biktima sa kanyang sariling bank account.
Tinatayang mahigit 178 million won o halos US$130,000 ang natangay ni Lee mula sa nasabing raket.
Ang pasaporte ni Lee ay kinansela na ng gobyerno ng Korea, kung kaya’t ito ay itinuturing na isang undocumented alien na napapailalim sa summary deportation.
Sa pagsusuri sa travel database ng BI, nakitang huling dumating si Lee sa bansa noong Mayo 26, 2016 at mula noon ay hindi na umaalis ng Pilipinas.
Kasalukuyang nakakulong sa BI jail facility ang nasabing dayuhan habang inihahanda ang papeles para sa pagpapatapon dito pabalik ng Korea.
