Alice Guo sinopla ni Senate President Chiz Escudero

Ni NOEL ABUEL

“Wala siya sa lugar na pagsabihan ang sinumang miyembro ng Senado kung ano ang prayoridad sa isip nila at ano ang dapat nilang hindi maging prayoridad.”

Ito ang iginiit ni Senate President Chiz Escudero sa panayam ng mga mamamahayag kung saan bagama’t karapatan umano ni suspended Bamban Mayor Alice Guo na ipagtanggol ang sarili nito ay wala itong karapatan na pagbintangan ang mga senador na pinepersonal ito.

“Siyempre, siya ang tinatamaan at inaatake dito sa isyung ito, unawain natin na kailangan niyang ipagtanggol palagi ang sarili niya. Pero hindi rin niya pwedeng ipuwersa ang kanyang personal na interes at kaisipan sa interes at pananaw ninuman higit pa sa sinumang miyembro ng Senado,” sabi ni Escudero.

Nabatid sa Facebook post ni Guo, sinabi nitong hindi ito susuko at dadalo sa susunod na pagdinig ng Senate Committee on Women’s, Children, Family Relations and Gender Equality na dumidinig sa POGO.

“Well, may prinsipyo sa batas na flight is evident of guilt. Ang kawalan ng kagustuhang sumuko at boluntaryong magpakita at sumagot sa mga simpleng katanungan, bagaman hindi siya pinepuwersang umamin ay pagpapakita na marahil ay may itinatago siya, may iniiwasan siya at meron siyang mga katanungan na ayaw sagutin o harapin,” paliwanag ni Escudero.

“Alalahanin ninyo na hindi ito warrant of arrest para siya ay ikulong o parusahan kaugnay sa isang ginawang krimen. Ito ay warrant of arrest para tiyakin ang kanyang pagdalo sa pagdinig at sagutin ang mga katanungang ipupukol sa kanya ng mga miyembro ng Senado habang ginagalang ang kanyang karapatan na i-invoke ang Bill of Rights kaugnay sa kanyang right to self-incrimination and right to remain silent,” dagdag pa nito

Ipinagtanggol din ni Escudero ang mga miyembro ng Senate Sgt. at Arms na matapos ang isang linggo ay bigo pa ring mahanap si Guo.

“Alalahanin ninyo ang OSAA ay hindi naman mga pulis at imbestigador. Ang Sergeant at Arms ay binubuo ng mga indibidwal na hindi naman nagsanay kaugnay sa pag-iimbestiga at pag-track ng mga hinahap ng Senado man o ng batas. Kaya ang tanging armas na gamit nila ay koordinasyon sa mga government agencies,” ayon pa dito.

“Pero hindi naman nag-iisa si Alice Guo kaugnay sa WOA na inisyu ng Senado. May mga outstanding warrant nang inisyu ng korte mismo na hindi pa nga napapatupad din ng NBI o PNP. So isa lamang ito sa listahan na dapat trabahuhin pa ng PNP, NBI at iba pang law enforcement agencies at hindi tayo nagkukulang sa pagpapaalala sa kanila kaugnay sa trabaho na dapat nilang gampanan,” pahayag pa ni Escudero.

Leave a comment