Anomalya sa BOC pinaiimbestigahan kina Senador Marcos at Senador Tulfo

Ni NERIO AGUAS

Pinaiimbestigahan ng ilang nagpakilalang empleyado ng Bureau of Customs (BOC) sa mga senador ang hindi umano matigil na smuggling activities sa pantalan.

Mismong ang mga opisyales ba sa Bureau of Customs (BOC) ang mga smugglers?

Ito ang lumutang na katanungan mula sa ilang empleyado mula sa pantalan kasabay ng panawagan kina Senador Imee Marcos at Senador Raffy Tulfo na agarang magpatawag ng imbestigasyon kung bakit hanggang ngayon ay hindi nasusugpo ang sindikato ng smuggling sa bansa.

Sinabi ng mga nagrereklamo na dapat tanungin sina Bureau of Customs chief Bienvenido Rubio at Deputy Customs Commissioner Vener Baquiran na may pinapaboran umano ang mga itong Customs broker.

Mahalagang maipaliwanag umano ng mga opisyales ang sumbong laban sa kanila dahil kung ang ilang ordinaryong Customs broker ay sinisingil sa standang prize na P150,000 hanggang P200,000 kada container, samantalang ang ilang pinapaborang broker ay sinisingil lamang ng halagang P70,000 kada lata ng kargamento.

“Kung ikaw ay ordinaryong broker at ang singil mo sa kliyente mo ay P150k hanggang P200k kada lata (container), wala ka nang laban dahil sa mismong broker ng mga BOC officials ay 50 percent discount. Kaya iyong nagpaparating ng shipment ay lumilipat na rin sa kanila. Unfair para sa amin,” sabi ng isang ordinaryong Customs broker.

“Wala ring huli kapag sa kanila magparating pero kapag sa ibang broker, katakut-takot na panggigipit pa ang ginagawa para lamang sumuka uli ng lagay,” dagdag pa ng nagsusumbong.

Reklamo naman ng ilang BOC employees, kapag dumadaan na sa kanilang tanggapan ang mga pinapaborang shipment umano ng dalawang opisyal ay ‘libre’ ito at hindi na nagbibigay ng ‘lagay’ sa kanila.

“Kapag dumaan dito sa amin mga shipments nila ay wala nang lagay at tuluy-tuloy pa ang kargamento. Walang puwedeng gumalaw. Paano kung may droga na palang nakaipit diyan?” sabi naman ng isa pang BOC employee na nakiusap huwag nang banggitin ang pangalan.

“Thank you na nga sa lagay, obligado pa kaming magbigay sa kanila ng lingguhang lagay. Quota raw iyon at kapag hindi nagbigay ay tatanggalin kami sa puwesto at ang ipapalit ay iyong payag sa ganitong uri ng galapal na sistema,” sumbong pa nito.

Sabi pa ng isang Custom brocker na kapansin-pansin din umano na lahat ng pararating na imported vehicles, partikular na ang mga luxury at high end vehicles ay kailangang si BOC chief Rubio lamang ang puwedeng ‘magpapasok.’

“Labas pa riyan ang sindikato ng oil smuggling at cigarette smuggling,” sabi ng isang Customs examiner.

Isang nagngangalang Noel Bucaling na assistant director sa National Bureau of Investigation (NBI) ang dapat ding umanong tanungin kung totoo bang may illegal na transakiyon din ito sa BOC.

Samantala, ang ‘tao’ umano ni Special Assistant to the President (SAP) Anton Lagdameo na si Deputy Commissioner Juvymax Uy ay kabi-kabila naman ang ipinalalabas na ‘mission order’ para salakayin ang mga warehouses sa labas ng Customs.

Ang inuutusan nito ay ang tinatawag na Enciso brothers na inaasukahan namang nagpapaareglo umano P1 million kada bodega.

“Kung 10 bodega ang aareglo sa mga Enciso ay P10 million iyon! At kung 30 bodega, P30 million iyon. Alam kaya ni DepCom Juvymax iyong mga pinipirmahan niya?” sabi naman ng isang Customs police.

Dahil dito, nanawagan ang mga dismayadong BOC employees kina Marcos at Tulfo na pagtuunang pansin ang mga ganitong klase ng reklamo. Hindi umano dapat sila maging tameme sa mga ganitong klaseng sumbong at kontrobersiya.

“Si Senator Imee po ay kapatid ni President Marcos. Kamakailan ay nagdasal pa siya sa Jesus is Lord Movement na ilayo sa mga demonyong nakapaligid sa kanya si PBBM. Sa BOC po, maraming demonyo, Senator Imee,” sabi ng isang alyas Mike.

“Kay Senator Raffy Tulfo, nasaaan na po iyong sinasabi ninyong tatalupan n’yo ang pagkatao ng mga taong nagparating ng kosteng Bugatti Chiron na may halagang P365 million? Bakit po nanahamik kayo? Dapat po buhayin ang imbestigasyon na iyan at isama sa investigation ang garapal na kurapsiyon sa BOC ngayon,” aniya.

Kung matatandaan, sa ikalawang SONA ni PBBM noong July 2023, nabanggit ni Pangulong Marcos na bilang na ang araw ng mga smugglers at hoarders, ngunit nakatakda na ang ikatlong SONA nito ay wala pa ring nagnayaring pagbabago sa BOC.

Leave a comment