
Ni NOEL ABUEL
Tuluyan nang iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pag-ban sa lahat ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa buong bansa sa kanyang State of the Nation Address (SONA).
Hindi nabigo ang mga nananawagan na ipatigil na ang POGO sa bansa nang ilang minuto bago matapos ang mahigit 1-oras na pag-uulat ng Pangulo sa taumbayan ay binanggit ang utos sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) at Department of Labor and Employment (DOLE) na bago matapos ang kasalukuyang taon ay tuluyan nang napaalis ang lahat ng POGO sa bansa.
Umugong ang sigaw at malalakas na palakpakan mula sa mga senador at kongresista kasama ang mga dumalong mga bisita nang biglang narinig ang mga salita ng Pangulo na dahi sa masamang dulot ng POGO tulad ng human trafficking, kurapsyon, sex trafficking, kidapping at iba.
“The grave abuse and disrespect to our system and laws must stop. Kailangan na itigil ang panggulo nito sa ating lipunan at paglalapastangan sa ating bansa,” sabi ni Marcos.
Ilan sa mga senador na nananawagan na i-ban ang POGO sina Senador Win Gatchalian, Senador Grace Poe, Senador Joel Villanueva, Senador Risa Hontiveros, Senador Imee Marcos at iba pang senador.
Gayundin, marami ring kongresista ang mahigpit ang panawagan na i-ban ang POGO sa bansa kasunod ng pagkakatuklas sa mga illegal POGO sa Bamban, Tarlac at sa Porac, Pampanga kung saan maraming dayuhan na karamihan ay mga Chinese nationals ang nadakip na pawang mga illegal aliens.
“Nararapat!
Ito ang sinabi OFW party list Rep. Marissa “Del Mar” Magsino sa total ban ng POGO sa Pilipinas.
“Bilang kinatawan ng OFW Party List, chairperson ng Anti-Trafficking OFW Movement, at Observer sa OFW Task Force ng IACAT, sumasang-ayon ako sa pagbabawal ng POGO sa bansa na siyang ipinahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa kanyang SONA,” ani Magsino.
“Nauna ko nang ipinabatid sa aking privilege speech noong December 4, 2023 na ang mga POGO ang prente ng human trafficking sa bansa. Sa ating adbokasiya kontra sa human trafficking sa ating mga overseas Filipino workers (OFWs), ating nakikita na hindi na lamang limitado ang paggalaw ng human traffickers sa pambibiktima ng mga kababayan sa labas ng bansa, kung hindi ay nililipat mismo ang sentro ng kanilang operasyon dito sa Pilipinas, sa pamamagitan ng mga POGO na ginagamit na prente para sa iba’t ibang ilegal na mga aktibidad,” aniya pa.
Una nang sinabi ni Gatchalian na dapat maglagay ng mga safety nets para sa mga manggagawang Pilipino sa industriya ng POGO na maaapektuhan sakaling ipagbawal na ang lahat ng POGO sa bansa.
“Sisiguraduhin namin na ang pagsasabatas ng pagbabawal sa mga POGO ay may kasamang probisyon para sa mga safety net upang hindi maapektuhan ang mga kasalukuyang nagtatrabaho sa industriya,” sabi ni Gatchalian, chairperson ng Senate Committee on Ways and Means na kamakailan lang ay nagsagawa ng pagdinig hinggil sa panukalang pagbabawal sa lahat ng mga POGO.
Ayon sa senador, kailangan ng gobyerno na maglatag ng tinatawag na transitory mechanisms kapag tuluyan nang mawala ang mga POGO sa bansa, tulad ng trabaho sa mga apektadong Pilipino.
Batay sa datos DOLE na nanggaling sa PAGCOR, may 25,064 na Pilipino ang nagtatrabaho sa iba’t ibang POGO na tumatakbo sa bansa noong 2023. Ito ay 52.2% ng mga manggagawang pinoy kumpara sa 22,915 ng mga dayuhang manggagawa na nagtatrabaho sa industriya.
Kabilang sa mga safety nets para sa mga manggagawa ng POGO ang upskilling at reskilling programs upang matiyak na magkakaroon ng mga kapalit na trabaho ang mga maaapektuhang manggagawa sa lalong madaling panahon.
Kasunod ng ipinahayag na suporta sa iminumungkahing batas na ipagbawal ang operasyon ng POGO sa bansa, sinabi ni DOLE Undersecretary Felipe Egargo na handa ang departamento na ipatupad sa lalong madaling panahon ang mga programang tutulong sa mga manggagawa ng isasarang POGO.
