PBBM pinuri sa suporta sa mga OFWs

Rep. Marissa “Del Mar” Magsino

Ni NOEL ABUEL

Nagpasalamat si OFW party list Rep. Marissa “Del Mar” Magsino kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang patuloy na pagmamahal at pagbibigay ng suporta sa mga overseas Filipino workers (OFWs).

“Nais kong ipaabot ang aking taos-pusong pasasalamat at pagsaludo kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa kanyang patuloy na pagmamahal at parangal sa ating mga OFWs,” ayon sa mambabatas.

“Ang kanyang pagbibigay-diin sa kanyang ikatlong SONA sa kahalagahan ng ating mga OFWs, at ang paglalatag ng mga programa at polisiya na naglalayong protektahan at iangat ang estado ng ating mga kababayang nagtatrabaho sa ibayong dagat ay patunay ng kanyang sinseridad at malasakit para sa ating sektor,” paliwanag pa ni Magsino.

Aniya, ito ang mga kritikal na policy statements ng Pangulo sa kanyang SONA na siyang gagabay sa mga hakbang ng pamahalaan para sa mga OFWs at sa Philippine labor migration.

“Kasama dito ang kanyang pagbanggit ng maayos na sistema ng repatriation, ang pagpapatibay ng reintegration upang magkaroon ng bagong simula ang mga nagbabalik na OFWs, ang pagpapatibay ng karapatan ng ating seafarers, at ang pagsiguro sa dekalidad na trabaho para sa mga Pilipino sa ibang bansa sa pamamagitan ng masusing negosasyon sa mga opisyal ng host countries,” ayon pa sa kongresista.

“Ang mga ito’y tiyak na magbibigay ng mas maliwanag na kinabukasan para sa ating mga OFWs at kanilang mga pamilya. Bilang nag-iisang kinatawan ng ating OFWs sa 19th Congress, buong puso kong sinusuportahan ang mga inisyatiba ni Pangulong Marcos at patuloy na makikipagtulungan sa pamahalaan upang maisakatuparan ang mga ito,” dagdag nito.

Leave a comment