Typhoon Carina mas lalong lumakas

NI RHENZ SALONGA

Kasabay ng State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay bumuhos ang napakalakas na pag-ulan sa Metro Manila na nagdulot ng mga pagbaha sa mababang lugar.

Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), ang nasabing malakas na pag-ulan na may kasamang malakas na hangin ay dulot ng bagyong Carina.

Sa weather monitoring ng PAGASA, magdudulot din ng malalakas na ulan sa mga matatas o bulubunduking lugar na maaaring magdulot ng pagbaha at pagguho ng lupa o landslides.

Apektado ng bagyong Carina ang hanging Habagat na magpapaigting at makakaapekto sa katimugang Luzon na mararamdaman ngayong gabi hanggang sa araw ng Miyerkules.

Apektado ng Habagat ang Zambales, Bataan, Aurora, Metro Manila, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol Region, at Visayas habang bukas ay apektado ng pag-ulan ang Ilocos Region, Zambales, Bataan, Aurora, Metro Manila, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol Region, Visayas, Zamboanga Peninsula, at Davao Region.

At sa araw ng Miyerkules, uulanin ang Ilocos Region, Abra, Benguet, Apayao, Nueva Vizcaya, Quirino, Isabela, Central Luzon, Metro Manila, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol Region, Western Visayas, Northern Samar, at ang hilagang bahagi ng Samar.

Sa pinakahuling monitoring ng state weather, ang sentro ng typhoon Carina ay nasa layong 420 km silangan ng Tuguegarao City, Cagayan at kumikilos ng hilaga-hilagang-kanluran taglay ang malakas na hangin na nasa 120 km/h malapit sa gitan at pagbugso na nasa 150 km/h.

Nakataas ang signal na no. 1 sa Batanes, silangang bahagi ng mainland Cagayan (Santa Ana, Gattaran, Baggao, Peñablanca, Lal-Lo, Gonzaga) kasama ang silangang bahagi ng Babuyan Islands (Camiguin Is., Babuyan Is.), at ang hilagang-silangan ng Isabela (Divilacan, Palanan, Maconacon).

Leave a comment